MGA NILILITSONG BUHAY SA MEXICO GAWA NG MARITES

MGA NILILITSONG BUHAY SA MEXICO GAWA NG MARITES

June 15, 2022 @ 9:50 PM 1 week ago


HINDI na maiiwasan ang paggamit ng social media sa iba’t ibang anyo nito gaya ng Facebook o Meta, Twitter, Instagram, Whatsapp at iba pa.

Pero dapat na mag-ingat ang lahat sa mga impormasyon na lumalabas dito dahil maaaring ikapapahamak ito nang kahit sino.

Maaaring ikamatay o dahilan ng pagpatay ang paggamit sa mga ito kapag hindi masuri ang mga impormasyong nilalaman ng mga ito.

OPISYAL SINUNOG NG BUHAY

Tingnan natin ang nagaganap sa bansang Mexico na pagpatay sa pamamagitan ng panununog dahil sa panininiwala sa nilalamang pekeng balita ng mga social media.

Makaraang akusahan ng child trafficking sa chat group si Daniel Picazo, 31, pinuntahan ito ng nasa 200 walang legal na basehan katao saka kinuyog.

Nang dumating ang mga pulis, kinuha nila si Picazo saka inilagay sa loob ng patrol car pero inagaw siya ng mga galit na tao.

Makaraan nito, dinala siya sa isang lugar na palaruan saka binugbog ulit.

Makaraan nito, binuhusan na siya ng gasolina saka sinilaban.

Dito na namatay si Picazo at walang nagawa ang mga pulis sa rami ng mga tao na nagtulong-tulong sa pagsunog nang buhay sa biktima.

Napag-alamang adviser si Picazo sa chamber of deputies sa bayan ng Puebla.

MAY NAUNA NANG MGA KASO

Dahil pa rin sa tsismis sa social media, may mga nauna nang kaso ng panununog nang buhay sa mga Mexican.

Nangyari ang pinakamatinding pangyayari nang pito katao ang sinunog nang buhay sa Puebla pa rin noong 2019.

Unang kinuyog ang nasabing mga biktima saka binuhusan ng gasolina nang buhay hanggang sa sila’y mamatay.

Noong namang 2018, sinunog nang buhay ang dalawang lalaki makaraan silang matsismis sa chat group sa WhatsApp na child trafficker.

Pinuntahan at hinuli sila ng mga tao saka sinunog nang buhay.

Makaraan nito, napag-alamang tsismis pala lahat ang kanilang pagiging child trafficker.

KAPANI-PANIWALA KAHIT FAKE NEWS

Ayon kay Jose Gil, opisyal ng Information and Cyber Intelligence, nagiging kapani-paniwala ang mga balita, lalo na kung galing ang mga ito sa mga taong pinaniniwalaan ang mga salita.

Mahirap paniwalaang pekeng impormasyon ang nanggagaling sa mga kapani-paniwalang salita ng mga kilalang tao o kilala ng mga kasali sa chat group.

At dito na nagaganap ang paggawa ng mga krimen.

Kaya naman, panay ngayon ang paalaala ng mga opisyal ng nasabing lugar na dapat alamin lagi ng mga tao ang katotohanan sa mga lumalabas na balita sa social media.

Mabuti na lang at hindi ito nagaganap sa mahal kong Pinas.

Pero ang dami talagang fake news at paninira sa kahit sino sa social media.

Kaya lang dinaraan na lang lahat sa kasuhan sa cyber libel.