Mga ninakaw na aso ni Lady Gaga, naibalik na!

Mga ninakaw na aso ni Lady Gaga, naibalik na!

March 2, 2021 @ 7:09 PM 2 months ago

  •  
  •  
  •  

Los Angeles, California — May nagsoli na sa nawalang dalawang bulldogs ng superstar na si Lady Gaga sa Los Angeles Police Department matapos tangayin ang mga ito ng dalawang armadong lalake, ilang araw lang ang nakararaan. Binaril pa sa dibdib ang tagapag-alaga  ng dalawang aso na si Ryan Fischer, 30.

Koji at Gustav ang pangalan ng dalawang bulldogs at nasa Roma si Lady Gaga nu’ng maganap ang pang-aagaw sa dalawa sa tatlong asong iniehersisyo ng tagapag-alaga sa pamamagitan ng paglalakad.

Ayon sa LAPD, inilakad ni Fischer ang tatlong aso sa isang residential area sa Hollywood nang biglang may tumigil na kotse sa tabi nila na may isang pasahero at isang driver. Inutusan ng pasahero si Fischer na ibigay sa kanya ang tatlong aso.

Nang tumanggi si Fischer, binaril siya sa dibdib at hinatak ang mga aso papasok sa kotse, pero nakawala ‘yung isa. Natagpuan din ito ng mga pulis sa paglaon.

Nang makarating ang balita kay Lady Gaga, agad itong nagpahayag sa kanyang social media at humiling ng “act of kindness” na sana’y ibalik and mga aso sa kanila. Sinabi rin n’yang magbibigay siya nang $500,000 sa makapagsosoli sa kanila ng mga aso. Itinuturing daw ni Lady Gaga na kapamilya ang mga alaga n’yang aso.

Ayon sa LAPD, isang babaeng ‘di nagpakilala ang naghatid sa dalawang aso sa isang police station. Hindi nila napag-alaman kung babalik ang babae para kunin ang kanyang pabuya, ayon sa LAPD spokesman na si Mike Lopez.

Samantala, tiyak na gagaling si Fischer mula sa tama ng bala sa kanyang dibdib. Alam na ni Lady Gaga na naibalik na ang dalawang aso at tinawag n’ya si Fischer na “You’re forever our hero.” Danny Vibas


  •  
  •  
  •