Mga OFW na apektado ng Shanghai lockdowns, aayudahan ng OWWA

Mga OFW na apektado ng Shanghai lockdowns, aayudahan ng OWWA

May 4, 2022 @ 8:45 AM 2 months ago


MANILA- Sinabi ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) nitong Martes na naglaan ito ng P7 milyon upang tulungan ang mga overseas Filipino workers (OFW) na apektado ng COVID-19 lockdowns sa Shanghai, China.

Iniliahad ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac na halos 500 hanggang 600 OFWs sa Shanghai ang nakatakdang makatanggap ng $200 na food assistance, habang may $200 tulong naman ang mga nagpositibo sa COVID-19.

“Ang budget na nakalaan dito is around P7 million. And we have set the preliminary P2.5 million, and we will set the second batch of P2.5, and then … until mabuo natin iyong P7 million,” ayon kay Cacdac sa public briefing. 

“So nandoon na po ang kaukulang pondo mula sa OWWA at inaantabayanan na lang natin iyong pag-distribute ng Consulate General’s Office. Alam natin na naka-coordinate sila sa Filipino Community sa Shanghai tungkol sa distribution ng food assistance,” aniya pa.

“Mahigit kumulang, mga 500 to 600 OFWs na lumapit sa konsulada natin na mabibigyan ng ayuda dito sa halaga na ito.”

Nagsagawa rin umano ang OWWA ng mental wellness seminar upang tulungan ang mga apektadong Pilipino dahil sa lockdowns.

Inihayag ni Shanghai Philippine consul general Josel Ignacio noong nakaraang linggo na maaaring alisin ang lockdowns sa Shanghai ngayong Mayo o sa Hunyo. RNT/SA