Mga OFW nagtatanong na sa ‘di pa nababayarang sahod, benepisyo ng Saudi

Mga OFW nagtatanong na sa ‘di pa nababayarang sahod, benepisyo ng Saudi

January 24, 2023 @ 11:46 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nagpahayag ang mga overseas Filipino worker (OFWs) ng kanilang mga alalahanin tungkol sa kanilang hindi pa nababayarang mga suweldo at benepisyo mula sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA) sa isang pulong kasama ang Department of Migrant Workers (DMW) nitong Lunes, Enero 23.

Ang KSA ay nangako na maglalaan ng humigit-kumulang 2 bilyong riyal para sa hindi pa nababayarang sahod ng humigit-kumulang 10,000 overseas Filipino na nagtatrabaho sa mga construction company na nagdeklara ng bangkarote.

Isang joint technical working group na binubuo ng mga opisyal mula sa dalawang bansa ang binuo para sa nasabing layunin.

Ilan naman sa mga concern ng mga OFW ay ang status ng kanilang mga registration na isang requirement para makuha ang kanilang claims habang ang iba naman ay nahihirapang magrehistro sa website ng kumpanya na Saudi Over Ltd at sa Saudi government online.

May mga OFW rin na nakapagrehistro na ngunit wala pa ring claim number kaya nag-aalala na maaring ang kanilang pagsumite ng requirements ay hindi tatanggapin.

Sa ngayon ang DMW ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa KSA.

Sa kanilang bilateral meeting sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit, natanggap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang magandang balita sa pagbabayad ng back wages mula kay Saudi Crown Prince Mohammed bin Salman.

Sinabi naman ni DMW Secretary Susan Ople na kinukunsulta pa nila ang gobyerno ng KSA para sa payment details

Aniya, nais nitong magtungo sa Saudi para sa malalim na pag-uusap hinggil sa isyu.

Ayon naman kay Attorney Roy Señeres Jr., ang legal adviser ng mga OFW na umaasa sila na magkaroon ng master list na maaring dalhin ng kalihim at personal na maibigay sa kanyang mga counterpart.

Sinabi ng DMW na humigit-kumulang 10,000 manggagawang Pilipino ang nawalan ng trabaho noong panahong nagsara ang mga kumpanya. Jocelyn Tabangcura-Domenden