MGA OFW SA EUROPA AYUDAHAN SA HEAT WAVE

MGA OFW SA EUROPA AYUDAHAN SA HEAT WAVE

July 22, 2022 @ 2:18 PM 3 weeks ago


GRABE ang nagaganap na heat wave sa Europa na ngayo’y nagbubunga ng mga sunog o wild fire.

Kung sa nakaraang mga araw ay sa Portugal, Spain at France lamang may mga sunog, ngayon may mga sunog na rin mismo sa United Kingdom, Italy at Greece.

At walang nakaaalam kung kailan huhupa ang heat wave na ngayo’y pumapatay na ng marami at sumisira sa mga kabahayan at hanapbuhay ng milyon-milyong mamamayan.

MGA OFW

Batay sa mga ulat, sa Spain, may naninirahang 150,000 Pilipino; Portugal – mahigit 20,000; Italy – 165,783; France – 200,000; Greece, mahigit 40,000; at UK – 200,000.

Kung iisipin, kabilang ang mga ito sa mga pinanggagalingan ng malalaking padala ng mga Pilipino sa ating bansa.

Nitong 2021, Pilipinas ang ikaapat sa limang bansang may pinakamalaking padala at galing sa United States ang pinakamalaking bahagi at malaki rin ang galing sa mga nasusunugan at may heat wave na bansa.

Ang Pilipinas din ang sinasabing nagkakaroon ng malaking gross domestic product dahil sa mga padala ng mga OFW.

Ulat ito ng World Bank nitong 2022 na nagsabing nasa $630 bilyong dolyar ang kabuuang padala mula sa mayayamang bansa patungo sa iba at mahihirap na bansa.

Ayon naman sa Bangko Sentral ng Pilipinas, umabot sa halos $35 bilyon ang padala ng mga OFW sa bansa nitong 2021 kumpara sa $33.1B noong 2020.

Ang UK ang panglima sa 10 bansang pinanggagalingan ng 40 porsyento ng padalang nasa 79 porsyento.

Ganito kahalaga ang mga OFW sa nasabing mga bansang may heat wave ang sunog.

Malaki ang kontribusyon nila sa pagpapaunlad ng kani-kanilang mga pamilya at sa pamahalaan na rin.

PANGANGAILANGAN SA PAGBANGON

Nanawagan ang bagong pamahalaan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. para sa pagtulong sa pamahalaan na tumindig sa sarili nitong paa sa pamamagitan ng mga buwis at iba pang bagay at paraan para maibuhos nito ang  buong serbisyo publiko para sa lahat ng Pilipino.

Tiyak namang malaki ang kontribusyon para sa layunin at gawain ng pamahalaan ni PBBM ang mga padala ng mga OFW, kabilang na ang mga nasa 800,000 na nasa mga bansang may heat wave at sunog.

Ngayon ay tiyak nang may mga apektadong OFW sa mga may mga kalamidad na bansa at mapapasama ang padala at pagtulong nila sa bansa na bumangong mula sa kahirapan patungo sa pag-unlad.

MAGHANDA NG TULONG

Ngayon pa lang, dapat nang naghahanda ng tulong ang pamahalaan sa mga OFW sa nasabing mga bansang nakararanas ng mga kalamidad.

Ito’y hindi lang panukli sa kabutihan ng mga OFW kundi para mapanatili nila ang kanilang mga sarili sa ligtas at magandang kalagayan na tiyak na magbubunga ng ikabubuti rin ng kanilang mga pamilya sa Pilipinas at sa pamahalaan na rin.

Sa ngayon, may naiuulat nang nasa 1,000 patay subalit hindi pa rin natin malaman kung may mga OFW na kasama rito.

Sana naman, wala.

O nasaan na ang mga paghahanda para ayudahan ang mga OFW sa nasabing kinakalamidad na mga bansa?