Mga opisyal ng PNP sa likod ng ‘media visit’ nais panagutin ni Abante

Mga opisyal ng PNP sa likod ng ‘media visit’ nais panagutin ni Abante

October 19, 2022 @ 2:09 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Kung si Manila 6th district Representative Bienvenido Abante Jr. ang tatanungin, nais niyang sibakin ang mga opisyal ng Philippine National Police na nasa likod ng ideyang pagbabahay-bahay sa mga mamamahayag.

“Sa akin ay tanggalin na ‘yan, whoever is involved in that tanggalin na,” pahayag ni Abante, chairman ng House Committee on Human Rights sa 19th Congress, sa panayam nito sa telebisyon nitong Martes, Oktubre 18.

“The thing is, mahilig ang PNP ng floating status eh. I think things should be done accordingly…. I believe the axe must fall on people that have ordered the what we may term as fiasco of the PNP,” dagdag niya.

Matatandaan na kamakailan ay isiniwalat ng reporter ng GMA na mayroong hindi unipormadong pulis ang bumisita sa kanilang bahay upang kamustahin at tanungin siya kung may natatanggap ba itong banta sa kanyang buhay.

Agad din na ipinahinto ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang media house visit at kagyat ding humingi ng tawad sa pangyayari.

“Traumatic ‘yan eh. Why would they do that?” sinabi pa ni Abante.

“To me, it’s a human rights violation,” dagdag niya.

Nais naman nito na paimbestigahan ang pangyayari at hinimok ang PNP na pangalanan ang mga opisyal na nasa likod ng ideyang ito. RNT/JGC