Mga ospital na nasalanta ng bagyo, gawing ‘operational’ agad-PBBM

Mga ospital na nasalanta ng bagyo, gawing ‘operational’ agad-PBBM

September 27, 2022 @ 7:25 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na tiyakin na “back to full function” ang mga medical facilities sa mga lugar na apektado ng Super Typhoon Karding (international name Noru).

Isiwalat kasi ni Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na may ilang medical facilities sa Nueva Ecija ang nagtamo ng pinsala dahil sa malakas na ulan at hangin na bitbit ni bagyong “Karding.”

Sa katunayan, dahil kay super typhoon Karding ay nabasag ang mga salamin ng rural health unit, natuklap ang mga bubong ng infirmary, at nagkaroon ng butas ang mga bubong ng Mega Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center (DATRC) sa lalawigan.

“The hospitals, just get them back to full function,” ang wika ni Pangulong Marcos sa isinagawang situation briefing kasama ang mga matataas na opisyal ng pamahalaan sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) headquarters sa Quezon City.

Sa ngayon ay ina-assess ng DOH regional teams ang mga nasabing health facilities na gumagana at patuloy ang operasyon sa kabila ng pinsalang natamo nito dahil sa bagyo.

Hindi naman maiulat pa ng DOH ang mga pasyenteng kailangan nang alisin mula sa mga nasabing ospital.

Gayunman, mayroon aniyang isang pasyente ang inilipat mula sa infirmary.

Sa kabilang dako, tiniyak naman ni Vergeire na ang DOH ay mayroong Quick Response Funds na maaaring gamitin para kumpunihin ang mga napinsalang health facilities.

Naghahanda rin aniya ang departamento ng “backup power sources” sa gitna ng power interruptions sa lalawigan.

““We already have prepositioned our generators in Nueva Ecija so that we can maintain the storage of our [vaccines],” ayon kay Vergeire. Kris Jose