Mga paaralan handa na sa pagbabalik-eskwela sa Lunes – DepEd

Mga paaralan handa na sa pagbabalik-eskwela sa Lunes – DepEd

August 19, 2022 @ 4:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Handa na ang mga paaralan sa pagbabalik ng face-to-face classes sa Lunes, ayon sa Department of Education (DepEd) nitong Biyernes.

Sa isang press conference, sinabi ni DepEd spokesperson Michael Poa na lahat ng regional directors ng ahensya ay  “very confident” na sapat ang kanilang mga pasilidad para sa mga mag-aaral.

“Nung nag-ManCom po tayo this week, nag-present ang bawat regional director ng mapping na ginawa nila sa mga schools in their areas. So sa ngayon po, they’re very confident na kasya naman po ang ating mga facilities for the learners,” paglalahad niya.

Sinabi ni Poa na magpapatupad ang ahensya ng mga istratehiya kagaya ng blended learning para sa mga lugar na hindi sapat ang mga silid-aralan.

“So doon naman po sa learning material, magsisimula na po tayo ulit sa mga textbooks for the in-person classes and we have been mapping the materials, meron naman po,”  aniya.

“So ang sinabi po sa regional directors kung mayroong mga schools na kailangan kaagad— kakulangan sa either teaching materials or modules doon sa magpapablended learning, sabihan agad tayo para mareplenish natin,”  dagdag niya.

Ayon kay Poa, nagpalabas ang DepEd ng P3.7 bilyon upang tiyakin ang sapat na kagamitan, lalo na sa pagpapatupad ng minimum health at safety protocols.

Hanggang nitong Biyernes, sinabi ni Poa na may kabuuang 23.3 milyong mag-aaral na ang nakapagpatala, kung kaya’t umabot na sa 27 milyon ang kabuaang bilang nila.

“Meron pa po tayong ilang araw, hanggang August 22, para sa ating enrollment. So, again, hinihikayat po natin ang ating mga magulang. Paulit-ulit po natin itong sinasabi na i-enroll na ‘yung mga hindi pa nakakapag enroll nilang anak para maihanda natin agad ang ating mga paaralan,” sabi niya.

Base kay Poa, mayroong 24,765 private at public schools sa buong bansa o 46% ang magpapatupad ng in-person classes sa loob ng limang araw habang 29,721 paaralan sa buong bansa o 51.8% ang magpapatupad ng blended learning modality.

“So if you add both that up nasa 90% po ‘yung merong in-person aspect sa pagbabalik natin ng eskwela,” ayon kay Poa.

Samantala, sinabi pa niya na 1,004 paaralan lamang sa buong bansa o 1.29% ang magkakasa ng full-distance learning. RNT/SA

(Mga larawan kuha ni Crismon Heramis)