Mga paglabag ng ABS-CBN bubusisiin ng NTC sa gitna ng investment deal sa TV5

Mga paglabag ng ABS-CBN bubusisiin ng NTC sa gitna ng investment deal sa TV5

August 12, 2022 @ 6:58 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Rerepasuhin ng National Telecommunications Commission (NTC) at ibang ahensiya ng pamahalaan ang di umano’y naging paglabag ng ABS-CBN Corp. na naisiwalat noong nagdaang Kongreso sa gitna ng kamakailan lamang na investment deal sa TV5 Network Inc.

“Kailangan po natin ito busisiin mabuti dahil madami po lumabas na violations ang ABS-CBN noong nakaraang pagdinig ng renewal ng kanilang prangkisa noong nakaraang 18th Congress na nagresulta sa di pag-renew ng kanilang prangkisa,” ayon kay NTC Commissioner Gamaliel Cordoba.

Sa ulat, kapuwa lumagda ang dalawang network sa isang partnership deal, kung saan binili ng ABS-CBN ang 35% ng shares ng TV5 sa halagang P2.16 bilyon.

Dahil dito, magkakaroon na ang kompanya ng minority stake sa TV.

Sa kabilang dako, sinabi ni Cordoba na sanib-puwersa ang Department of Justice, Land Registration Authority, at Philippine Competition Commission para tulungan ang NTC sa pagrerepaso at pagbusisi ng di umano’y paglabag.

“The NTC has issued a Memorandum Order that a franchise grantee shall not enter into commercial agreements in which the NTC has jurisdiction, with those that have outstanding obligations to the national and local governments,” dagdag na pahayag nito.

Binigyang diin ni Cordoba na kailangang tiyakin ng franchise holders na ang lahat ng partido na mayroon silang transaksyon o pinapasok na kasunduan ay dapat na mayroon o nakakuha ng clearance mula sa BIR, SEC, NTC, at Bureau of Customs.

“The commercial agreements together with these clearances should be submitted by the franchise grantee to the NTC prior to consummation,” ayon kay Cordoba. Kris Jose