MGA PAKIALAMERO SA IRAN, NASAAN?

MGA PAKIALAMERO SA IRAN, NASAAN?

December 30, 2022 @ 12:20 PM 1 month ago


MAY  dalawa nang binitay sa lubid na Iranian kaugnay ng mga protesta laban sa pagkamatay ng babaeng detenido dahil sa maling pagsusuot ng hijab o suot sa ulo at mukha ng babaeng Muslim.

Katarungan umano para kay Mahsa Amini, 22, na namatay sa ospital tatlong araw makaraang madetine, ang ipinaglaban ng mga nagpoprotesta.

Namatay si Amini sa kamay ng mga morality police na nagdetine sa kanya sa maling pagsusuot ng hijab noong buwan ng Setyembre.

SI MOHSEN SHEKARI

Binitay si Shekari nitong Disyembre 8 sa pagharang umano nito sa mga pwersang pulis ng pamahalaang Iran na sumusugod sa mga nagpoprotesta.

Gumamit din umano ito ng machete o maliit na palakol na ikinasugat ng isang miyembro ng Basij na miyembro ng milisya.

Ang ginawa umano ni Shekari ay pakikipaggiyera sa Diyos na may parusang bitay.

Sinabi rin ng korte na umamin itong tumanggap ng pera mula sa isa niyang kaanak para gawin ang kanyang mga ginawa.

Nasa dalawang buwan ang paglilitis bago siya binitay.

SI MAJIDREZA RAHNAVARD

Binitay naman si Rahnavard nitong Disyembre 12 sa parehong kasanan na lumalaban ito sa Diyos.

Ngunit sinabing ang kanyang ginawa ay pumatay ng dalawang miyembro ng Basij force na sina Daniyal Rezazadeh at Hossein Zeinalzadeh.

Pinagsasaksak niya umano hanggang sa mamatay ang mga ito noong Nobyembre 17.

MAY 100 PANG MAAARING MABITAY

Ayon sa mga grupong human rights, maaaring aabot sa 100 ang kandidato sa bitayan at nakakulong umano ang mga ito.

Bahagi sila ng nasa 18,000 umanong dinakip ng mga awtoridad sa kasagsagang ng mga protesta.

Mahigit na ring 400 ang namamatay sa mga protesta, kabilang na ang mga Bahij member at pulis na pinagbabaril at pinagsasaksak ng mga armadong nagpoprotesta.

NAGSUSUMAMO, BUMABATIKOS

Nagsusumamo na ang mga ama, ina, kapatid, asawa at iba pang kamag-anak ng 100 kandidato sa bitayan na huwag isagawa ito.

Mga lalaki at babae ang mga kandidato sa bitayan na karaniwang lubid ang gamit.

Ang mga dayuhan, panay naman ang pagbatikos sa pamahalaang Iran at labag umano sa human ang pinaggagawa ng mga opisyal ng pamahalaan.

Nasa likod pa nga ng mga nagpoprotesta ang ilang opisyal ng pamahalaang dayuhan na bumabatikos sa pamahalaang Iran.

At kilala na ninyo ang mga lantarang bumabatikos.

NASAAN ANG MGA PAKIALAMERONG DAYUHAN?

Kung pakikinggan ang mga mambabatikos na dayuhan, halatadong sila mismo ang nagtutulak sa mga Iranian na magprotesta laban sa pamahalaang Iran.

Hindi na lingid sa kaalaman ng lahat na gusto nilang hawakan sa leeg ang mga Iranian at kontrolin ang pamahalaan gaya ng kay Shah Mohammad Reza Pahlavi.

Sunod ang layaw ng mga dayuhan noon gaya ng pagkontrol sa langis ng Iran at bentahan nito at pagbenta sa Iran ng napakamamahal na armas pandigma.

Ngayon napapahamak ang mga tao sa kagustuhan nilang bumagsak ang kasalukuyang pamahalaan, nasaan sila?