Mga palaboy, IPs sa Cebu inayudahan ng DSWD

Mga palaboy, IPs sa Cebu inayudahan ng DSWD

December 23, 2022 @ 4:06 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nagkasa ng programa sa probinsya ng Cebu ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magbibigay tulong sa mga bata, pamilya at iba pang indigenous people (IP) na pakalat-kalat sa lansangan.

Ang hakbang na ito ng pamahalaan at DSWD ay layong tugunan ang peligrosong sitwasyon ng mga ito sa lansangan, katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at non-government organizations.

“Ang araw na ito ay simbolo ng pag-asa at pagmamahal ngayong papalapit na kapaskuhan na bunga ng pagkakaisa at pagtutulungan ng mga ibat ibang sangay ng ating pamahalaan,” pahayag ni DSWD Undersecretary for Social Welfare and Development Sally P. Navarro.

Nasa 200 bata at 400 na pinuno ng bawat pamilya ang binigyan ng tulong sa naturang caravan kabilang ang pamamahagi ng hygiene kits, homelife kits, noche buena packs, educational at livelihood assistance.

Mayroon ding ibinigay na school kits, libreng medikal at dental checkups, vaccination, national ID registration, hair grooming, at job fair.

Dagdag pa, nakatanggap na rin ng kani-kanilang birth certificate ang 41 batang Ati sa Naga City habang 57 batang sama-bajau ang naiparehistro na mula sa Alaska, Mambaling, Cebu City.

Nakilahok sa programa ang mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Health, Department of Labor and Employment, Department of Education, Technical Education and Skills Development Authority, National Commission on Indigenous Peoples, Commission on Population, Armed Forces of the Philippines, at Philippine Statistics Authority. RNT/JGC