MGA PALPAK NA PROSESO AT APARATO

MGA PALPAK NA PROSESO AT APARATO

January 17, 2023 @ 1:23 PM 3 weeks ago


SI Gen. Andres Centino na muli ang nakaupong Chief of Staff at naitanggi na ng Armed Forces of the Philippines ang destabilization plot na pasimpleng napabalita mahigit isang linggo na ang nakalipas.

Nitong nakaraang linggo, sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na ang mga kapwa niya senador ay “hell-bent” sa pagpupursigeng amyendahan ang batas na nagtakda ng hanggang tatlong termino sa matataas na opisyal ng militar upang maresolba ang magiging problema sa isyu ng seniority at tenure sa mga susunod na taon.

At mula sa Kamara de Representantes, inihayag ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel nitong weekend na dadagdagan ng Kongreso ng P6 bilyon ang budget ng AFP para sa Modernization Program ngayong taon.

Hmmm… sigurado ba tayong lahat na walang samaan ng loob sa militar? Para sa isang organisasyon ng kalalakihan at kababaihang kasing tigas ng bakal ang kalooban pagdating sa bakbakan, paanong naging balat-sibuyas ang mga heneral na ito sa pagtaas ng kanilang posisyon?
***

Nasa usapang destabilization at sibuyas na rin lang tayo, naniniwala akong Agosto noong nakaraang taon pa lang ay inalerto na ang Presidente sa posibilidad na mag-destabilize ang presyo ng sibuyas dahil sa kinakapos na supply nito. Pero, sa kasamaang palad, hindi nag-angkat noon ang ating gobyerno.

Sumirit ang presyo ng sibuyas ng hanggang 800 porsiyento, ngayon lamang nangyari ito, kasunod ng pagtataas ng presyo ng asukal, petrolyo, at iba pang pangunahing pangangailangan, dahil sa inflation.

Ngayong nalalapit na ang pag-aani, inaprubahan ang pag-aangkat ng 21,060 metriko tonelada ng sibuyas, kahit na maliwanag na ikalulugi ito ng ating mga magsasaka.
***

Ang airspace outage sa bansa noong New Year’s Day, na nagresulta sa pandaigdigang kahihiyan at matinding pagkalugi ng ekonomiya, ay isinisisi sa isang device na nagkakahalaga ng P10,000. Ano ba ‘yun?! Kahit ‘yung kapustahan ko sa bar, eh kayang-kayang mag-donate ng ganun.
***

Pero ang hindi pa rin mawala sa isip ng ating security experts hanggang ngayon ay ang posibilidad na nakompromiso at nalantad sa external threats ang sarili nating air traffic control system.
Kaduda-duda kasi ang timing, at ang mga taong tulad ko, na kumikita sa paghihinala nang masama, ay napapaisip tuloy kung ang kaparehong insidente na nangyari noong Setyembre, bagamat saglit lamang, ay maaaring isang dry-run.

Kung gusto ninyo ng mas mapamerhuwisyong bersiyon, mahigit 10,000 flights ang na-delay at lampas 1,300 iba pa ang nakansela sa Amerika dahil din sa isang systems glitch 10 araw makalipas ang nauna nating perhuwisyo rito noong Bagong Taon.

Nagkataon nga lang kaya ang lahat o pinagpraktisan muna tayo? Siguro naman walang alinman sa dalawa, o pupuwede rin ang mga palpak na device na ito ay gawang China.
***

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.