Mga pamahiing nakakahindik balahibo

Mga pamahiing nakakahindik balahibo

October 31, 2018 @ 5:12 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Parte na ng kultura at tradisyon ng mga Pinoy ang paniniwala sa pamahiin. Sabi nga ng mga nakakatanda, wala namang mawawala kung susunod tayo habang marami rin ang nagsasabi lalo na sa henerasyong digital na wala rin tayong mapapala kung susundin natin ito.

Itinuturing na lang ngayon sa syudad na biruan ang mga pamahiin na ito. Pero sa ilang mga probinsya at liblib na bayan, palo ng walis tingting ang aabutin sa mga matatanda kung hindi ka susunod dito.

Pero may mga pamahiin na nakakatakot din isipin at talagang nakakahindik balahibo.

Narito ang ilang mga pamahiin na madalas na nating marinig, pero nakakatakot ding isipin kung totoo:

  1. Pagsusukat ng traje de boda o wedding dress bago ang araw ng iyong kasal.

– Sa ngayon hindi na ito advisable dahil ilang subo lang ng kanin, tiyak na may posibilidad na hindi ka na kasya sa iyong susuotin. Ayon sa mga sabi-sabi, bitbit daw ng mga Kastila ang paniniwalang ito at hanggang ngayon may mga matatanda na naniniwala pa rin dito dahil kamalasan o malala ay trahedya ang dala nito. Minsan nga may mga pangyayari na hindi naman inaasahan, ang unang tanong pa ng mga matatanda: “nagsukat ka ba ng iyong traje de boda?”

  1. Kapag nakitang walang ulo o mukha ang isang tao, siya ay mamamatay

– Nakakakilabot talaga ang malaman sa ibang tao na nakita ka nilang walang mukha o walang ulo. Doon pa lang, tiyak na kakabog na ang dibdib mo. Ganoon din kung makikita mo ang sarili mo sa litrato na tila malabo  o may itim ang ulo. Ang sabi nila, kung gusto mong mabaligtad ang kapalaran mo, kailangan mong sunugin o ibaon sa lupa ang suot mong damit nang makita kang walang ulo.

  1. Tatlong magkakasama sa litrato

– Dahil napag-usapan na rin ang litrato, bawal din ayon sa mga pamihiin ang pagkuha ng litrato kapag tatlo lang kayo. Sa oras kasi na nagpakuha ng litrato ang tatlong tao, ang taong nasa gitna ay mamamatay. May ilan na rin ang nakapagsabi na totoo raw ito.

  1.  Huwag umuwi agad kapag galing ng burol

– Ito ang pamahiin na madalas sundin ng mga Pinoy hanggang ngayon. Ayon kasi dito, kapag dumiretso ka ng uwi mula sa burol ay susundan ka ng kaluluwa ng patay kaya ang payo ay magpagpag ka o pumunta muna sa ibang lugar. Nakakatakot talagang isipin na mauuwi mo pa ang kaluluwa lalo na kung hindi mo naman kilala ang pinuntahan mong burol. Pero minsan, ginagamit na lang din itong rason, para makapaggimik o makapasyal muna bago umuwi.

Ilan lang ito sa mga pamahiin na madalas man nating naririnig, at hindi rin maiwasan ng ilan na hindi sundin. Pero lagi nating tatandaan na tayo ang siyang magdedesisyon sa ating buhay. Kailangan din natin ng paniniwala sa Diyos at huwag kalilimutan ang palaging pagdasal. (Remate News Team)