MGA PANGAKO

MGA PANGAKO

February 14, 2022 @ 8:55 PM 4 months ago


NAGSIMULA na ang pambansang kampanya para sa Halalan 2022, nitong Pebrero 8, 2022.

Umandar na ang 90 days na panliligaw ng mga politiko para sa mahalagang boto o natin.

Sa loob ng tatlong buwan, lahat ng pangako ay isisigaw ng mga kandidato para makumbinsi tayo na piliin sila bilang mga lider ng bansa na siyang magpatakbo ng gobyerno.

Kakaiba ang ganap ng kampanyang ito, dahil hindi pa naman nasusugpo ang pandemya, kaya meron pa ring health restrictions.

Suot ng facemasks, social distancing, limitadong pagtitipon ng mga tao.

Bawal din ang mga buntis,  bata,  senior citizens at ‘yung mga may comorbidities na dumalo sa campaign activities.

Ewan ko lang kung maipatutupad ito nang husto ng Comelec.

Sa gitna ng mga ingay, tugtugan, sigawan, talumpati at political rallies, importante na maging malinaw at mapanuri tayong mga botante.  Huwag basta-basta madala ng mga pangako.

Lahat ng politiko, sasabihin nila ang gusto nating marinig, kahit hindi naman sila sinsero, para lang makakuha ng boto.

Ika nga ni Angelica Panganiban, ‘wag na tayong magpa-budol.

Hindi naman mahirap kilalanin at pag-aralan ang mga kandidato, lalo na sa rami at lawak ng abot ng social media.

 Kailangan lang magtyaga at huwag agad-agad maniwala sa lahat ng napapanood sa Tiktok, sa FB o YouTube.

Siguruhin lang na mapagkakatiwalaan ang source ng mga materyal na babasahin mo tungkol sa eleksyon na ito.

Pakinggan, sundan at pag-aralan ang mga sasabihin ng mga kandidato.

Maraming sasabihin ang mga iyan, pero kung puro pambobola at walang linaw na programa ang maririnig mo, baka dapat pag-isipan mabuti kung dapat nga syang iboto.

Matuto na tayo dapat at maging wais.

Lahat ipapangako nila, parang nanliligaw para makuha nila ang matamis mong oo.

Pero hindi lahat ng matatamis na salita ay totoong matamis. Hindi lahat ng magaganda at mabulaklak na salita ay totoo.

Piliin ang tunay at tapat na maninilbihan sa bayan.