Mga parak na dawit sa missing sabungeros, tinanggal na sa pwesto

Mga parak na dawit sa missing sabungeros, tinanggal na sa pwesto

March 24, 2022 @ 10:00 AM 3 months ago


MANILA, Philippines – Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) sa publiko na ang mga pulis na pinangalanang suspek sa umano’y pagdukot sa mga online cockfighting o “e-sabong” agents ay tinanggal na sa kanilang mga puwesto habang isinasagawa ang imbestigasyon laban sa kanila.

Sa press briefing nitong Miyerkules, sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na ang mga pulis na binanggit sa pagdinig ng Senado noong Lunes — kasama sina Police Staff Sergeant Daryl Paghangaan at Patrolman Roy Navarette — ay nakatalaga sa holding unit ng Police Regional Office 4- A (PRO-4A).

Si Paghangaan at Navarette ay positibong kinilala ng mga kamag-anak ni Ricardo Lasco, isa sa 34 na indibidwal na sangkot sa negosyong e-sabong na umano’y dinukot ng mga armadong lalaki noong Agosto 2021.

“Pagkatapos nga po no’ng naganap na Senate inquiry last Monday ay nagpatuloy po ‘yong pag-iimbestiga ng PNP natin sa pangunguna po ng SITG ng CIDG (Criminal Investigation Detection Group). At ‘yong mga pulis po na na-mention, ‘yong mga pangalan no’ng nakaraan na Senate inquiry ay ngayon po ay nandoon po sila sa holding division po ng Police Regional Office 4A sa Camp Vicente Lim,” ani Fajardo.

“As per our coordination today with the regional director po, ‘yong tatlo pong nabanggit na mga pangalan during the Senate hearing ay sila po ay ni-relieve na sa kanilang pwesto at kasalukuyan nga pong nandoon ngayon naka-assign sa Regional Holding Admin Unit po ng PRO-4A,” dagdag pa niya.

Bukod sa tatlong pulis, ang hepe ng Laguna Provincial Police na si Col. Rogarth Campo — na idinawit ng gaming magnate na si Atong Ang bilang bahagi ng umano’y patuloy na sabwatan laban sa kanya — ay inalis din sa kanyang puwesto.

Ayon kay Fajardo, nakatalaga ngayon si Campo sa holding unit ng Directorate for Personnel and Records Management sa Camp Crame.

“Sa pagdinig ng Senado ay sama-sama nga tayo na narinig na binanggit ni Ginoong Atong Ang ‘yong pangalan ni Col. Rogarth Campo, dito ay kasama ito, bahagi ito sa ginagawang imbestigasyon and this lunch time lang ay nakakuha tayo ng confirmation na si. Col. Rogarth Campo ay ni-relieve na sa kanyang pwesto bilang provincial director,” dagdag pa ng PNP spokesperson.

Kahit na nangako ang PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na maghahanda ng kaso laban sa mga natukoy na pulis, sinabi ni Fajardo na magsasagawa pa rin ng motu proprio investigation ang PNP sa pangunguna ng Internal Affairs Service (IAS) ng PRO-4A.

Ang imbestigasyon ay tututukan din sa mga immediate supervisor ng mga opisyal na sangkot, upang matukoy kung sila ang may kasalanan sa mga insidente o kung sila ay pabaya sa kanilang mga tungkulin, ani Fajardo.

“Nagbigay na po ng direktiba ‘yong ating regional director, si Police Brig. Gen. Antonio Yarra sa atin pong regional director ng Internal Affairs Service ng Region 4A para mag-conduct po ng motu proprio investigation concerning na rin po ito doon sa alleged irregularity doon sa anti-illegal drugs operation na kinonduct nga po nitong mga nasabing pulis, ” paliwanag ni Fajardo.

“Hindi lamang limitado sa mga pangalang nabanggit ‘yong ating imbestigasyon, in fact ‘yong mga immediate supervisors, team leaders ay iimbestigahan din under the doctrine of command responsibility, para tignan kung alam ba nila o nagkaroon ng kapabayaan in terms of supervision dito sa mga nabanggit na ating mga pulis,” aniya pa. RNT