Mga parak na may koneksyon sa kandidato, inilipat na sa ibang lugar – Carlos

Mga parak na may koneksyon sa kandidato, inilipat na sa ibang lugar – Carlos

April 25, 2022 @ 10:43 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Ang mga tauhan ng Philippine National Police na may kaugnayan o may koneksyon sa mga kandidato ng Eleksyon 2022 ay inilipat na sa iba’t ibang mga lugar upang maiwasang ma-tag bilang sangkot sa partisan politics, sinabi ni PNP chief Police General Dionardo Carlos noong Linggo.

“While they are there in the area, ‘yung mga kamag-anak po nila, pamilyar sila sa mga local elected officials, during time of elections, the start of election period, nililipat na natin sila. Kaya nagkaroon tayo ng rotation ng mga chief of police para ‘yung familiarity doon sa lugar ay hindi magamit at hindi masabihan na partisan dahil magkakilala,” aniya sa interbyu sa dzBB.

Sinabi ni Carlos na hinimok din nila ang kanilang mga tauhan na ideklara kung sino sa kanila ang may mga kamag-anak na nag-aagawan sa puwesto sa pulitika sa darating na halalan para pansamantalang mailipat ang mga ito. Gayunpaman, ang mga hindi angdeklara ay tinanggal sa kanilang mga posisyon, dagdag niya.

“‘Yung na-discover natin na hindi nag-declare, ni-relieve ko na po ‘yan. May mga pinag-aalis na ako. Recently, meron pa rin kaming ni-relieve. Meron din kaming mga police na kailangan tanggalin sa lugar para hindi mo pagdudahan. Kami dapat ay tumatayong balanse, dapat nasa gitna,” sabi pa ni Carlos.

“‘Yung amin pong deployment, gusto namin ‘yung aming mga police ay makaboto kung saan sila botante at doon din sila magdu-duty para kung saan sila rehistrado, nakaboto na sila, naka-perform pa sila. Maximized deployment po kami,” dagdag pa ni Carlos.

Sa Laging Handa public briefing nitong Miyerkoles, sinabi ni Carlos na mas maraming police personnel ang naka-deploy sa ilang lugar sa Bondoc Peninsula sa southern Quezon province at sa Pangasinan sa hilagang Luzon para matiyak ang seguridad sa 2022 elections. RNT