Mga parak sa Caloocan, tinurukan; Simbahan pasok din sa bakunahan

Mga parak sa Caloocan, tinurukan; Simbahan pasok din sa bakunahan

July 7, 2021 @ 7:22 AM 1 year ago


MANILA, Philippines – Tinurukan ng first dose ng Sputnik V ang mga miyembro ng Caloocan City Police nitong Martes sa Caloocan City Medical Center (CCMC) at Caloocan City North Medical Center (CCNMC).

“Inilaan natin ang ating dalawang ospital ngayong araw para mabakunahan na rin ang mga kapulisan na hindi pa nagkakaroon ng pagkakataong makapagpabakuna. Halos araw-araw ay naka-duty sila para mapanatili ang kaayusan sa lungsod kaya mahalaga na magkaroon sila ng proteksyon laban sa virus,” ani Mayor Oscar Malapitan.

Binuksan ang CCMC at CCNMC hanggang 4pm ng hapon at kayang tumanggap ng tig-600 slots ng mga magpapabakuna para sa nasbing araw.

Samantala, nasa 400 mamamayan ang nakatakdang bakunahan sa isinasagawang pagbabakuna nito ring Martes sa Saint Padre Pio Mission Area, Barangay 171.

Ang pagbabakuna ay pinangungunahan ng medical team at volunteers ng simbahan sa ilalim ng superbisyon ng Caloocan Health Department. Ang mga nakatakdang bakunahan ay ang mga pre-listed miyembro ng parokya na nabibilang sa A1-A5 priority groups.

Bahagi ang aktibiad ng patuloy na pagtutulungan ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan at ng mga simbahan sa lungsod para sa layuning mas mapabilis pa ang programa sa pagbabakuna.

“Nagpapasalamat tayo sa pamunuan at mga pari ng Saint Padre Pio. Walang hanggang pasasalamat sa lahat ng simbahan na ating katuwang sa pagbabakuna kontra Covid-19,” ani  Malapitan. Merly Iral