Mga pasahero dagsa na sa Manila North Harbor

Mga pasahero dagsa na sa Manila North Harbor

December 16, 2022 @ 6:29 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Maagang nagtungo ngayon sa Manila North Harbor Port ang mga pasahero na magsisipag-uwian sa kani-kanilang probinsya ngayong holiday season kung saan Christmas break na rin sa ilang mga opisina at eskuwelahan.

Sa inilabas na situational report ng Philippine Coast Guard ngayong hapon, Disyembre 16, humigit-kumulang 200 pasahero ang nananatili sa port passenger terminal sa mga oras na ito, ayon na rin kay
CG PO1 Elmer Malabanan.

Bahagi sila ng 1,719 na pasahero ng isang passenger / RoRo vessel na may rutang Batangas, Iloilo, at Bacolod.

Ayon sa PCG, bibiyahe ito bandang ala-1:00 bukas ng madaling araw, Disyembre 17.

Habang hinihintay ang pagsakay sa barko, patuloy na pinapaalalahanan ng PCG ang mga pasahero na ingatan ang kanilang mga bagahe.

Naka-heightened alert ang Philippine Coast Guard (PCG) mula ika-15 ng Disyembre 2022 hanggang ika-7 ng Enero 2023 kaugnay ng Oplan Biyaheng Ayos: Pasko 2022. Jocelyn Tabangcura-Domenden