MGA PASAWAY NA PULIS, SINABON SA KAMPO

MGA PASAWAY NA PULIS, SINABON SA KAMPO

October 24, 2022 @ 5:10 PM 1 month ago


KAMOT-ulo ang mga kagawad ng Philippine National Police na nasita sa loob mismo ng Camp Bagong Diwa sa Taguig City dahil sa iba’t-ibang uri ng mga paglabag sa umiiral na panuntunan sa loob ng kampo.

Akala siguro ng mga naharang na mga pulis ay wala ng sisita sa kanila dahil nasa loob na sila ng Camp Bagong Diwa kaya kahit batid nilang mayroon silang paglabag na ginagawa, kampante pa rin silang magmaneho sa loob ng kanilang kampo.

Kaso, biglang nagsagawa ng OPLAN-SITA ang mga tauhan ng Regional Headquarters Support Unit  sa pangunguna ni P/Col. Wilson Doromal, nito lamang Huwebes ng hapon sa utos na rin ni National Capital Region Police Office director  P/BGen. Jonnel Estomo na layuning bigyang disiplina ang mga pasaway na pulis.

Kasama ng RHSU ang mga opisyal at tauhan ng ang Regional Highway Patrol Unit  pinangunahan ni P/Capt Felix Paor, Counter-intelligence and Security Section РRegional Intelligence Division  sa pangunguna ni P/Maj. Ember Ilumba; P/SSgt. Marvin Balasa ng Regional Mobile Force Battalion Taguig City Police Station at Traffic Management Office-Taguig sa ilalim ng pamamahala ni Nilo Formento nang isagawa ang paninita sa mga pulis na nagmamaneho ng iba’t-ibang uri ng sasakyan sa loob ng kampo.

Dito mapapatunayan na marami talagang mga pulis ang hindi inaalintana o binabale-wala ang mga umiiral na batas-trapiko, ordinansa ng Lungsod ng Taguig at maging ng R.A. 4136 o ang Camp Rules and Regulation dahil umabot sa 54 na mga pulis ang nasita at natiketan  sa ilang oras lang na operasyon sa mismong gate ng Camp Bagong Diwa.

Kabilang sa mga paglabag na nasilip ng RHSU sa mga nasitang pulis ang hindi pagsusuot ng helmet, walang lisensiya sa pagmamaneho, hindi naka-rehistro ang sasakyan na kanilang ginagamit o kung mayroon man ay hindi nila ito dinadala na malinaw na paglabag sa umiiral na ordinansa sa lungsod, paso na o walang police decal ang gamit na sasakyan at marami pang ibang paglabag sa batas-trapiko.

Sa inis ni Col. Doromal, hindi lang sermon at pag-iisyu ng traffic citation ticket ang inabot ng mga pasaway na pulis kundi binigyan din sila ng warning ng opisyal na posibleng maharap sa kasong administratibo sa oras na hindi magtino o patuloy na gawin ang mga paglabag.

Pinapurihan naman ni RD BGen. Estomo ang  operating units, sa pangungung ng RHSU, sa isinagawang sorpresang paninita sa mga pulis sa loob ng kanilang kampo at tiniyak na hindi titigil ang RHSU hangga’t hindi tumitino at disiplinado ang kanilang mga kabaro.

Ani ni Estomo, isa itong paraan upang mapaigting ang ginagawa nilang paglilinis sa kanilang hanay upang higit pang mapabuti ang kanilang sistema at organisasyon upang mapagsilbihan at mabigyang proteksiyon ang mamamayan.

Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na jrreyes.0428@gmail.com o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.