Mga patay sa COVID-19 sinusunog na lang sa kahoy, papel; crematorium natutunaw na

Mga patay sa COVID-19 sinusunog na lang sa kahoy, papel; crematorium natutunaw na

April 24, 2021 @ 6:44 PM 1 year ago


India-Nasisira o natutunaw na ang maraming sunugan ng bangkay o crematorium sa rami ng namamatay sa coronavirus disease at 24 oras na operasyon ng mga ito sa India kaya naman sinusunog na lang ang mga bangkay sa mga kahoy at anomang pwedeng mag-apoy na bagay.

Ginagawa ang mga sunugan kung saan may mga bakanteng lote o sa mga bakanteng lote ng mga crematorium.

Batay sa mga ulat, inilalagay ang mga bangkay sa lupa saka tinatabunan ng mga nag-aapoy na bagay o kung hindi naman ay isinasalang ang mga bangkay habang umaapoy na ang mga kahoy, papel at iba pa makaraang masabuyan ng petrolyo.

Kabilang sa mga nagsasagawa ng mass cremation o maramihang pagsusunog ang estado ng Delhi na isa sa mga labis na sinasalanta ng pandemya.

Nagaganap ito ngayong libo-libo na ang namamatay araw-araw mula sa mahigit nang 300,000 tinatamaan ng pandemya araw-araw rin.

Iniulat pang bagama’t may mga naiuulat nang opisyal ng pamahalaan ukol sa bilang ng mga namamatay gaya ng 2,624 nitong nakaraang 24 oras, pinaniniwalaang higit dito ang namamatay lalo’t may naiuulat na namamatay na lang sa labas ng mga ospital o sa kalsada habang itinatakbo sa ospital ang mga malulubha ang tama.

Nag-iimbestiga na ngayon ang pamahalaang India kung may halong mga variant na kasama ng orig ng virus ng COVID-19 sa pananalanta nito.

Bukod sa mga severe at critical na inaabot ng maraming biktima na nagbubunga ng mga kamatayan, pinalala umano ang krisis sa labis na kakapusan ngayon ng oxygen na kailangan ng mga ito.

Pati mga oxygen tank ay labis na rin umanong kinakapos at nagkakaroon na rin ng mga pagnanakaw sa mga ito ng mga pamilya ng nagkakasakit na miyembro.

Madaling maubos naman ang laman ng mga oxygen tank dahil dala-dalawa nang pasyente ang gumagamit ng iisang tangke.

Ginagamit na pati ang mga eroplano para maibiyahe ang mga suplay ng oxygen at oxygen tank mula sa mga hindi gaanong nasasalantang lugar patungo sa mga kritikal ang kalagayan gaya ng New Delhi, Maharathra at iba pang matataong lugar. Fred Cabalbag