MGA PEKENG GAMOT LAGANAP, PUBLIKO PINAG-IINGAT

MGA PEKENG GAMOT LAGANAP, PUBLIKO PINAG-IINGAT

January 12, 2022 @ 10:40 AM 7 months ago


NAGBIGAY babala ang Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines sa publiko kontra mga pekeng gamot at payo sa mga may malalang sintomas ng COVID-19 na kaagad na magpakonsulta sa kanilang doktor.

 Ito ay sa gitna ng nararanasang kakulangan ng suplay ng mga drugstore ng branded analgesics at mga kilalang gamot kontra ubo, sipon, trangkaso, sakit sa kasu-kasuan at lalamunan.

 Sinasamantala ng mga sindikato at manloloko ang “temporary out-of-stock situation” lalong-lalo na sa mga social media. Maraming nagpo-post sa viber, facebook at online shops. Kaya dapat mag-ingat ang publiko sa mga pekeng gamot na ito na maaaring higit na makasama sa kalusugan. Alamin kung tunay at epektibo ang ating biniling gamot.

 Sa Pilipinas, kadalasang pinepeke ang gamot sa high blood, cholesterol, antibiotics at sildenafil (gamot sa impotence).

Ang mga pekeng gamot ay pwedeng makamatay at makapagpalala ng karamdaman dahil sa mga sangkap nito. Mabuti sana kung gawgaw lang ang laman nito ngunit papaano kung may lason pa.

Hindi pareho ang lalagyan ng pekeng gamot sa orihinal na gamot. Pwede mong tingnan ang hitsura ng orihinal na pakete ng gamot.

Mababa ang kalidad ng tableta. Suriin kung madaling madurog, nagdikit-dikit at mamasa-masa ang tableta. Sa mga syrup, suspension at injections, silipin kung may naninigas o manumuo sa loob ng bote o vial.

Paalala rin ng PHAP, kasimbisa ng mga branded na gamot ang generic-made drugs dahil dumaan din ito sa pagsusuri ng Food and Drugs Administration. Kaya kung wala ang brand na inyong ginagamit, magtanong sa mga pharmacist kaysa bumili sa online shop na hindi sigurado ang mga produkto.

 Dagdag pa ng PHAP, iwasan ang self-medication lalo na kung ilang araw na ang ubo, sipon at trangkaso.  

 Pagtitiyak din ng asosasyon, nakikipag-ugnayan na ito sa NBI o sa National Bureau of Investigation para mahuli ang mga sindikato sa pagbebenta ng mga pinepekeng gamot.