Mga Pilipino ‘di ikinokonsiderang “serious candidate” si Trillanes sa halalan 2022

Mga Pilipino ‘di ikinokonsiderang “serious candidate” si Trillanes sa halalan 2022

July 8, 2021 @ 7:18 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Naniniwala si bagong talagang Presidential Adviser on Political Affairs Jacinto Paras na hindi ikinokonsidera ng mga Pilipino bilang seryosong kandidato si dating Senador Antonio Trillanes IV.

Dahil dito ay pinayuhan niya si Trillanes na bitawan na ang planong tumakbo sa national elections.

“Mr. Trillanes, you have nothing to say and the people of this country does not consider you as a serious candidate in this election,” sabi ni Paras sa isang virtual press conference.

Ang pahayag na ito ni Paras ay kasunod ng akusasyong plunder ng dating senador kina Pangulong Rodrigo Duterte at Senator Christopher “Bong” Go.

Sinabihan pa nito ang publiko na huwag pansinin si Trillanes lalo’t kilala umano itong hangal at sinungaling.

Tinawag din nito si Trillanes na pinaka-korap na tao dahil sa pagkakaroon ng “overpriced” consultants noong senador pa ito gamit ang kaban ang gobyerno.

Dagdag pa ni Paras, maswerte na lang si Trillanes kung makakuha ito ng pwesto sa Senado.

“Pero under normal circumstances, baka magiging kulelat iyan parati. So, bakit natin pakinggan itong dumbo na ito, itong trililing na ito, eh wala naman ito talagang ‘k’,” banat pa ni Paras.

Matatandaang isinangkot ni Trillanes sa kasong plunder sina Pangulong Duterte at Go kaugnay ng P6.6 billion na halaga ng government contracts na iginawad ng CLTG Builders at Alfrego Builders and Suppliers na pagmamay-ari ng pamilya ni Go.

 

Ipinaubaya naman na ni Pangulong Duterte kay Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ang alegasyon sa kanya ng dating senador. RNT