Mga Pinoy, binalaan sa call center trafficking scam sa ibang bansa

Mga Pinoy, binalaan sa call center trafficking scam sa ibang bansa

March 16, 2023 @ 5:20 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Binalaan ng Bureau of Immigration (BI) ang mga Filipino laban sa call center trafficking scam sa ibang bansa kasunod ng mga ulat na marami na ang nabibiktima lalo na ang mga nais magtrabaho abroad.

Ang babala na ito ng BI ay inilabas kasunod ng pagkakabiktima sa isang babae ng naturang scam na napauwi na mula Bangkok, Thailand noong Marso 9.

Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, ang babaeng biktima ay dating empleyado ng isang online gaming company sa Clark, Pampanga na nirecruit sa social media ng isang Pinoy na kinilala sa pangalang “Mel” at “Sam” para magtrabaho sa isang call center company sa Thailand.

Aniya, inutusan ang biktima na magpanggap na turista patungong Thailand.

Kalaunan ay sinundo ang biktima ng isang sasakyan sa nasabing bansa at ibiniyahe ng 12 oras patungong Myanmar.

“The work was with an online betting company with Indian nationals as their target market. She was initially told that she will be compensated $1000 to $1500 a month, but was instead required to reach a quota of half a million Indian Rupees or roughly P330,000, in order to gain commission which will be her main compensation,” aniya.

Sinabi pa ni Tansingco na pinagtatrabaho ang biktima ng 12 oras kada araw at wala pang day off.

Obligado rin ito na magbayad ng P170,000 para palayain siya at P28,000 para makabalik sa Thailand.

Nang makabalik sa Thailand ay doon na humingi ng tulong ang biktima sa embahada para mapauwi sa Pilipinas.

“We hear the same story again and again, that professionals are being recruited to this scam,” pahayag ni Tansingco.

“This is literally modern-day slavery, and victims were required to pay for their release from the syndicate. We reiterate our call for Filipinos not to fall for this kind of scam, always secure work legally through the Department of Migrant workers,” dagdag pa niya.

Agad naman na tinulungan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang biktima pagdating sa bansa.

Nauna nang nagbabala ang BI sa publiko laban sa mga indibidwal sa social media na nag-aalok ng immigration services.

Dahil dito, hinimok ni Tansingco ang publiko na isumbong sa BI ang mga scammer at huwag makikihalubilo sa mga ito. RNT/JGC