Mga Pinoy delikado sa EDCA

Mga Pinoy delikado sa EDCA

March 10, 2023 @ 2:44 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nanganganib ang mga Filipino na maipit sa digmaan at gulo dahil sa Enhanced Defense Cooperation Agreement.

Ito ang inihayag kahapon ni Mario Ferdinand Pasion, chairman ng Nationalist Filipinos Against Foreign Intervention, ukol sa mga base militar sa bansa na itinalagang lugar para sa pagtatayo ng US military bases, troops at facilities, partikular na sa Cagayan Valley, sa ilalim ng EDCA.

Nabatid na kinuwestyon ni Senadora Imee Marcos sa isinagawang pagdinig ng Senate foreign relations committee kung gagamitin ng US ang bagong EDCA sites para sumali sa giyera laban sa Taiwan at hindi para tulungan ang Pilipinas sa mga panahon ng kalamidad o para sa humanitarian assistance.

Sinabi pa ni Sen. Marcos na posibleng maging target ng pag-atake ang EDCA sites, lalo na mula sa sinomang kalaban ng US makaraang aminin ni US Armed Forces Chief of Staff Gen. Andres Centino na “military camps will always be a target for adversaries.”

Sinabi naman ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na sa panahon ng Marawi siege, hinarang ng US ang pagbili ng armas para sa PNP at hindi ito tumulong sa Pilipinas.

Isa pang senador ang nagsabi na marami namang bansa ang tumulong sa Pilipinas subalit hindi sila naglagay ng kanilang military bases sa bansa.

“The Philippines’ geopolitical situation is very complex and is particularly suffering from economic problems, including recession, inflation, etc. The Philippines is not at the same economic level or standing or even structure. Some say that their (US) economy is based on war, our economy is not based on war,” paalala naman ni Sen. Koko Pimentel.

Ayon naman kay IDSI President George Siy, dahil sa mga donasyong emergency weapons ng China at Russia sa kasagsagan ng Marawi crisis, napigilan ang Pilipinas na mapasailalim sa IS at nasagip ang mga sundalong Pilipino.

Inihayag naman ni Dr. Melissa Loja, constitutional and international law expert, na sa ilalim ng EDCA Article 4 Paragraph 1, may karapatan ang US na maglagak hindi lang ng suplay para sa humanitarian aid kundi ng military weapons.

“When EDCA was expanded, the Americans celebrated and said that the additional EDCA sites would provide additional targeting challenges for China. What does this mean? Simple … that China has to target the Philippines as well, aside from Guam and Okinawa … even the US media is talking about this,” banggit naman ni international relations expert Sass Rogando Sasot.

Nanindigan sina Foreign Secrety Enrique Manalo at Defense Secretary Carlito Galvez Jr. na gagamitin ang EDCA site para sa humanitarian services na kinuwestyon naman nina Sen. Marcos at Cagayan Gov. Manuel Mamba dahil sa kawalan ng konsultasyon sa local governments.

Magdudulot din umano ang EDCA ng panganib sa kapaligiran tulad ng nangyari sa dating US military bases sa Subic, Zambales and Clark, Pampanga. RNT