Mga Pinoy kinuhang crypto-scammers din sa Cambodia – Hontiveros

Mga Pinoy kinuhang crypto-scammers din sa Cambodia – Hontiveros

January 18, 2023 @ 1:00 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Inilantad ni Senador Risa Hontiveros nitong Miyerkules, Enero 18 na ilang Pinoy umano ang kinukuha para magtrabaho bilang crypto-scammers sa bansang Cambodia.

Ito ay matapos ang nauna nang inilantad na insidente ng human trafficking sa Myanmar sangkot din ang mga Filipino workers.

“Filipinos are becoming the main target of human trafficking syndicates. Matapos nating matulungan ang ilang Pinoy sa Myanmar na inaabuso at sapilitang pinagtrabaho bilang crypto scammer, ngayon, malalaman nating meron din palang ganitong modus sa Cambodia. These fraud factories are part of a disturbing industry that has to be dismantled,” pahayag ni Hontiveros.

Nalaman ito ng Senador matapos na dumulog sa kanyang opisina ang isa sa mga biktima na bumalik sa Pilipinas nitong Enero 16.

Ayon sa pahayag ni Hontiveros, lumapit sa kanyang tanggapan si “Miles” hindi tunay na pangalan, upang ipagbigay-alam na marami pang Filipino ang kailangang i-rescue sa Cambodia.

Katulad sa kaso ng human trafficking sa Myanmar, ang mga Filipino sa Cambodia ay pinipwersa rin ng kanilang mga among Chinese na manloko sa mga tao mula sa Estados Unidos at Canada upang mag-invest sa cyptocurrencies

“Ang nature po ng pangi-scam namin ay nagse-send po kami ng wrong text message sa mga American and then after po kapag nakapag-send na kakaibiganin po namin sakaling magreply po sila,” pahayag ni Miles na ipinaabot ng opisina ni Hontiveros.

Nakita rin umano nito kung paano kinukuryente ang ilan sa mga katrabaho bilang parusa.

“Kapag wala kang nakukuhang kliyente, ang ginagawa, pinagtatrabaho [kami] ng mahigit 16 hours, walang tulog, seven days a week… Meron po akong nakita at narinig ko po mismo na kinuryente na kasamang empleyado,” paglalahad ni Miles.

Nang tanungin naman kung paano ito nakalipad pa-Cambodia mula sa Pilipinas, sinabi niya na lumipad ito mula Ninoy Aquino International Airport pa-Thailand at mula doon ay sumakay siya ng van pa-Cambodia.

Ang iba naman sa mga kasamahang Pinoy ay lumipad mula Clark International Airport na di-umano ay iniscortan pa ng ilang immigration officers.

“Sa Clark, may escort po sila na immigration. May agent po doon na nagbu-book ng ticket at may contact na po doon sa mismo immigration officer. Hindi na po ini-interview, wala na rin pong documents na hinihingi basta tinatatakan na lang po diretso,” pagbabahagi pa ni Miles.

“Bago ka po muna mag-flight papupuntahin ka muna sa bahay nila. Kapag nandun na kayo sa bahay nila, ipa-practice po kayo tapos kung anong gagawin, anong sasabihin. Pagkatapos po n’on saka na po kayo sasabak sa Clark para pumila po doon sa naka-schedule na immigration officer,” dagdag pa niya.

Dahil dito ay nanawagan na si Hontiveros sa Department of Foreign Affairs na pabilisin ang repatriation sa mga kasamahan ni Miles, makaraang malaman na na-rescue na ang mga ito Lunes ng gabi, Enero 16 ng mga awtoridad sa Cambodia at kasalukuyang namamalagi sa police station sa nasabing bansa.

“I trust that our DFA can bring our kababayans home as soon as possible. I also expect that we keep closely working with ASEAN member-states to strategize how to effectively put a lid on these criminal activities. It is unacceptable that this devastating scheme keeps roping in our hardworking men and women,” ani Hontiveros.

Magbibigay pa umano siya ng mas maraming detalye kaugnay ng insidente ng human trafficking sa Cambodia kasabay ng pagdinig ng Senado sa naturang isyu.

“Clearly, this is an industrial complex that involves various actors from around Southeast Asia and beyond. Baka kone-konektado ang mga kriminal na nang-aabuso at nananamantala ng mga Pilipinong nais lamang maghanap ng disenteng trabaho,” anang Senador. RNT/JGC