Mga Pinoy ligtas sa lindol sa Taiwan – Meco

Mga Pinoy ligtas sa lindol sa Taiwan – Meco

September 19, 2022 @ 9:38 AM 1 week ago


MANILA, Philippines — Walang nasawing Pinoy sa Taiwan kasunod ng magnitude 6.9 na lindol na tumama sa timog-silangang bahagi ng island state.

Sinabi ni Manila Economic and Cultural Office (Meco) chairperson Silvestre Bello III nitong Lunes na hindi sila nakatanggap ng ulat mula sa mga Pilipino sa Taiwan kasunod ng pagyanig.

“Awa ng Diyos, wala. ‘Yung tatlong lugar namin — sa Taipei, sa Taichung, at saka Kaohsiung — pare-parehong report: walang casualty sa ating mga kababayan,” pahayag ni Bello nang tanungin kung may nag-report sa kanilang opisina.

Ayon sa fire department ng Taiwan, isa ang nasawi habang 146 ang nasugatan sa lindol.

Ang epicenter ng malakas na lindol na tumama nitong Linggo ay sa Taitung county.

Dahil sa sakuna, daan-daang indibidwal sa Taiwan ang na-trap sa mountain roads at nadiskaril ang train carriages. RNT/SA