MGA PINOY MAPALAD PA RIN

MGA PINOY MAPALAD PA RIN

January 9, 2023 @ 1:27 PM 3 weeks ago


IKA-9 na ng Enero 2023 at masasabi kong mapalad na mapalad pa rin tayo kung ikukumpara ang ating bansa sa iba.

Tingnan ninyo, 4 na ang binibitay sa Iran kaugnay ng mga rali na nag-ugat sa pagkamatay ni Mahsa Amini, 22, sa kamay ng mga pulis-Iran na nagdetine sa kanya sa mali umanong pagsusuot ng hijab.

Nauna rito, may 304 ang namatay sa mga rali sa Iran bago mag-Pasko habang nasa 7,000 ang inaresto at ibinilanggo.

Sa Ukraine at Russia, umuulan ang mga bomba, missile, drone at bala ng mga baril at kanyon mula sa kalangitan na pumapatay sa mga Ruso at Ukrainian kasabay ng mga blackout sa Ukriane.

Sa Mexico, 29 ang namatay, kasama ang 10 sundalo, sa labanan ng Sinaloa drug cartel at 19 din ang namatay, kasama ang 10 jailguards, sa raid sa kulungan ng Los Mexicles drug cartel.

Malala ang sitwasyon sa Iran, Russia, Ukraine at Mexico dahil sa pakikialam ng mga Kano para makapagbenta ng maraming armas pandigma at baril.

Kung totoo, dumarami naman ang namamatay sa COVID-19 at umaapaw na ang mga ospital at crematory na dahilan para siraan din ang China ng mga Kano dahil sa kanilang rivalry sa negosyo at impluwensiya sa ibang mga bansa.

Sa Pinas? Ah, milyones ang sumali sa Walk of Faith para kay Itim na Nazareno sa Quiapo ngunit walang pang naiuulat na nadisgrasya.

Boluntaryo na rin ang pagsusuot ng face mask sa malls at pasyalan at masaya ang pamamasyal.

Kaya naman nating tiisin ang pagmahal ng sibuyas at mahal ng sili.

Bagama’t mababa ang sahod sa mga obrerong pribado at pampubliko, wala pa namang gaanong nagrarali.

Mapayapa ang lupa at langit sa Pinas bagama’t may “low pressure area” sa hanay ng mga pulis na may courtesy resignation.