Mga Pinoy na magtutungo sa Japan, mahigpit na sasalain ng BI

Mga Pinoy na magtutungo sa Japan, mahigpit na sasalain ng BI

June 9, 2022 @ 2:30 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Naglabas ng kautusan ang Bureau of Immigration (BI) sa kanilang mga inspektor na nakatalaga sa international airports na salaing mabuti ang mga Pilipino na umaalis patungong Japan upang maiwasan ang human trafficking.

Partikular ang direktiba ni Immigration Commissioner Jaime Morente na “observe due attentiveness” sa pagbibigay ng clearance sa mga papaalis na Filipino na may visa sa intra-company transferee, short-term visitor, student, at engineer specialist in humanities and international services.

Ito ay bunsod sa natanggap nilang ulat na ginagamit ang nasabing visa ng mga recruiters para sa documentation at deployment ng mga Pilipino na magtratrabaho sa Japan.

Ang nasabing panloloko ay ginagamit para ma-exempt ang mga Pilipino na magtutungo sa Japan sa pagkuha ng overseas employment certificate (OEC).

Paliwanag ni Morente, ginagamit ang nasabing visa kung saan sasabihin na bibiyahe sila at mamalagi sa Japan ng maikling panahon lamang subalit gagamitin nila ito upang magtrabaho.

“This emerging trend exposes these travelers to the dangers of trafficking in persons and illegal recruitment which the BI is mandated to prevent,” ayon kay Morente.

Nagbigay naman ng direktiba so Atty. Carlos Capulong, BI port operations chief sa lahat ng immigration inspectors na naka-assigned sa mga ports na maging metikoloso sa pag-screen sa mga magtutungo ng Japan.

“We have instructed them that if the declared purpose of travel of a passenger is doubtful, the latter should be referred to for secondary inspection to our travel control and enforcement unit,” ayon kay Capulong. JAY Reyes