Mga Pinoy na tutol sa pagbabago ng konstitusyon, inaasahan na ng Malakanyang

Mga Pinoy na tutol sa pagbabago ng konstitusyon, inaasahan na ng Malakanyang

July 16, 2018 @ 12:07 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Inaasahan na ng Malakanyang na may mga Filipino na tutol sa planong baguhin ang 1987 Constitution.

Ani Presidential spokesperson Harry Roque, mahirap aniyang suportahan ang isang inisyatiba na kaunti lamang ang iyong nalalaman.

Aniya, tanging 55%  ng mga respondents ang nakarinig, nakabasa, o nakapanood ng kahit na anuman na may kinalaman sa panukalang baguhin ang 1987 Constitution bago pa isinagawa ang survey ng Pulse Asia.

Habang 69% naman ng mga respondents ang umamin na kaunti lamang ang kanilang nalalaman hinggil sa panukalang federal system of government.

Kaya, malinaw aniya na marami pang dapat gawin ang pamahalaan pagdating sa pagpapalaganap ng kamulatan at kaalaman sa nasabing usapin.

Kaya nga, gagawin ng gobyerno ang lahat ng makakaya nito upang ipabatid sa mga mamamayan at bigyang edukasyon at kaalaman ang mga ito tungkol sa Pederalismo lalo pa’t ang pagsang-ayon at pagiging matagumpay ng panukalang pagbabago sa kasalukuyang Charter ay nakasalalay sa mga kamay ng sambayanang Filipino.

“The Palace takes note of the results of the latest Pulse Asia survey on Charter Change and Federalism showing 18% of respondents agreed that the Constitution should be amended now and 28% of respondents in favor of changing the system of government in the country to Federalism,” ayon kay Secretary Roque.

Sa ulat, dalawa sa bawat tatlong Filipino o katumbas ng 67 percent ang tutol sa planong baguhin ang 1987 Constitution.

Batay sa Pulse Asia survey, may naitalang 67 percent, 37 percent ang tinutulan ang pagbabago sa Saligang Batas habang 30 percent ang nagsabing tutol sila sa ngayon pero maaring maging bukas din sila sa Charter change sa susunod na panahon.

Isinagawa ng Pulse Asia ang survey mula June 15 hanggang 21 o dalawang linggo bago isumite ng binuong consultative committee ang draft ng panukalang Federal Constitution.

Lumitaw din sa survey na 55 percent ng Filipino ang alam ang panukalang amyendahan ang 1987 Constitution at 74 percent ang nagsabing halos hindi nila alam ang panukala. (Kris Jose)