MGA PINOY, NGANGA SA AKSYON NG KANO

MGA PINOY, NGANGA SA AKSYON NG KANO

March 10, 2023 @ 1:40 PM 2 weeks ago


SABI ng ating pamahalaan, malapit lang sa Pag-asa o Kalayaan Island na itinuturing nating teritoryo ang mga pwersang China simula nitong nakaraang Sabado.

Mahigit sa 40 na pinaghalo-halong Chinese Navy, Coast Guard at militia na may kasamang submarino ang malapit lang o nasa 4-5 nautical miles sa Pag-asa island.

Pinaaalis ng Philippine Coast Guard ang mga pwersang Tsino subalit hindi nakikinig at hindi umaalis ang mga ito.

Kung ano ang ibig sabihin nito, hindi pa maliwanag subalit hindi malayo ang usapan dito sa ginagawa sa Scarborough Shoal na pinagbabawalan ang mga mangingisdang Pinoy na mangisda.

Pag-aari o teritoryo nilang mga Tsino ang Kalayaan Island, gaya ng Scarborough at ang mga bahura sa paligid nito?

Sa usapang teritoryo, lahat ng bansa na may karagatan sa paligid ay may maituturing na teritoryong pandagat na may 12 nautical miles o 22.225 kilometro mula sa dalampasigan nito.

Ang Pag-asa o Kalayaan island ay itinuturing nating teritoryo mula noong Hunyo 11, 1978 sa bisa ng Presidential Decree 1596 ni namayapang Presidente Ferdinand Marcos.

Ayon sa United Nations Convention on the Law of the Sea, teritoryong pandagat ang 12 nautical miles mula sa kalupaang hangganan ng low tide.

Pwede ring lumagpas sa sukat ang territorial sea gaya ng Philippine Rise na nakaharap sa Pacific Ocean.

Isang linggo na tayong nagpoprotesta sa ginagawa ng mga Tsino sa Kalayaan Island.

Nasaan si Angkol Sam sa usaping ito? Ni ha, ni ho sila.

Sa giyerang Ukraine-Russia, nagpapadala lang ang sila ng mga armas, bala at missile at bahala na ang mga kaalyado nilang Ukraininans na maubos at maubusan ng teritoryo.

Hindi kaya maganap din ito sa Pinas kung may magkamaling kumalabit ng gatilyo sa Kalayaan o Pag-asa Island?
Kawawa naman ang nasa 400 sibilyang Pinoy roon, kasama ang iilang pulis at militar sa lugar na mapupulbos kaagad.