Mga Pinoy pinuri ni Advincula sa paglahok sa unang araw ng Simbang Gabi

Mga Pinoy pinuri ni Advincula sa paglahok sa unang araw ng Simbang Gabi

December 16, 2022 @ 6:42 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinuri ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang pagiging masigasig ng mga Pilipino sa pagdalo ng mga Misa De Gallo at Simbang Gabi na nagpapakita ng kagalakan ng bawat isa sa pagdating ni Hesus.

Sinabi ni Cardinal Advincula na ang mga karanasan tuwing simbang gabi ang dahilan sa pagiging masigasig ng mamamayan upang buuin ang pagdalo sa siyam na araw na nobenaryo.

“Ito’ng alok na karanasan sa atin ng simbang gabi tulad ng liwanag, kabusugan at pagsasama-sama, na siya ring dahilan marahil kung bakit sa kabila ng mga paghihirap at krisis na dinaranas nating mga Pilipino, patuloy tayong bumabalik sa mga simbahan para sa simbang gabi. Dahil marahil ang tatlong karanasan na ito, ang siyang pinakaaasam din natin at kinakailangan natin,” pahayag ng Cardinal.

Umaasa naman si Cardinal Advincula na hindi lamang sa mga simbang gabi aktibo ang mananampalataya kundi sa bawat araw o linggong pakikibahagi sa Eukaristiya.

Dsiyembre 16 nang simulan sa bansa ang tradisyunal na Misa De Gallo bilang paghahanda ng mga Pilipino sa araw ng Pasko.

Ngayong taon ay mas niluwagan ng pamahalaan ang restriksyong dulot ng COVID-19 na mahigpit ipinatupad sa nakalipas na dalawang taon. Jocelyn Tabangcura-Domenden