Mga pribadong ospital, nakaalerto na para sa firework injuries – PHAPI

Mga pribadong ospital, nakaalerto na para sa firework injuries – PHAPI

December 26, 2022 @ 10:56 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Nakaalerto na ang mga pribadong ospital sa bansa para sa pagtanggap ng mga pasyenteng nagtamo ng fireworks-related injuries sa papalapit na Bagong Taon, ayon sa pinuno ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI) nitong Lunes.

“Ang ating mga pribadong ospital, lagi namang nakahanda ‘yan. Of course, inaantabayanan natin ang mga firecracker injuries kasi medyo delikado ‘yan kung hindi agad malalapatan ng lunas,” ani PHAPI president Dr. Jose Rene de Grano.

“Lahat sila ay on alert din katulad din ng mga government facilities,” dagdag niya.

Kasalukuyang mayroong limang kaso ng fireworks-related injury na naitala mula December 21 hanggang December 25, ayon sa datos mula sa Department of Health (DOH).

Sinabi ng DOH na mas mababa ito ng 50% kumpara sa 10 kaso na naiulat sa parehong period noong 2021.

Sakaling magtamo ng sugat dahil sa paputok, pinaalalahanan ni De Grano sa publiko na agad itong linisin gamit ang sabon at tubig, at agad na dalhin ang biktima sa ospital o health facility after.

Hinihinkayat ng Health Department ang publiko na maingat na salubungin ang 2023 sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga paputok. Sa halip, iminungkahi ng ahensya na magpaingay na lamang gamit ang mga kaldero; gumamit ng glow sticks; at magpatugtog ng malakas na musika. RNT/SA