Mga pulis, hindi lang ang pangulo ang poprotektahan sa SONA

Mga pulis, hindi lang ang pangulo ang poprotektahan sa SONA

July 23, 2018 @ 10:36 AM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Siniguro ng Philippine National Police (PNP) na hindi lamang ang pangulo at mga opisyal ang kanilang poprotektahan kundi pati na ang portestante, motorist, mamamayan at kapwa mga pulis sa magaganap na ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte mamaya (July 23).

Ayon kay National Capital Region Police Office Acting Regional Director, PCSUPT Guillermo Eleazar, “pinoprotektahan natin hindi lamang yung ating pangulo, pangalawang pangulo, hindi lamang yung mga cabinet members at lawmakers kundi pati yung mga nagpoprotesta at pati na rin syempre ang ating kapulisan at mga motorista at mga mamamayan na dumadaan sa lugar na ‘to.”

Nagtayo ng Stage para sa mga protestante na naka-set up sa harapan ng St. Peter Parish Shrine of Leaders sa Commonwealth Ave. kung saan ang sa likod nito ay maaaring gawing working area ng mga protestante. Mayroon ding inihandang concrete barrier upang maihiwalay ang mga protestante.

“Meron na tayong mga concrete barrier para lang mai-separate natin at hindi rin sila mapasukan ng ibang hindi nila kasama,” dagdag pa ni Eleazar.

Samantala, habang naghihintay ng pagdaos ng SONA ng Pangulo, ang mga pulis ay patuloy na nakikipag-usap sa mga protestante.

“Mayroon kaming dalang banda don, at nagre-relax din ang ating kapulisan habang naghihintay ng pagdaraos ng SONA mamaya,” dagdag pa niya. (Remate News Team)

Remate File Photo