Mga pulis na magbabantay sa halalan sa Luzon, dadagdagan ng PNP

Mga pulis na magbabantay sa halalan sa Luzon, dadagdagan ng PNP

April 20, 2022 @ 3:41 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Magde-deploy ang Philippine National Police (PNP) ng mas maraming tauhan sa ilang lugar sa Bondoc Peninsula sa southern Quezon province at sa Pangasinan sa hilangang Luzon para matiyak ang seguridad sa nalapit na eleksyon.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni PNP chief Police General Dionardo Carlos na noon pa lamang Marso 8 ay nakapagtalaga na sila ng regional special operations task groups (RSOTGs) sa mga itinuturing na areas of concern.

“Ang huli ko pong dinagdagan ng additional police presence ay sa apat na bayan sa Bondoc Peninsula at sa Pangasinan.  Ang Pangasinan naman po ay apat na bayan lang ‘yan pero nagpalagay na po ako ng RSOTG. And all the rest were already in place by the regional directors,” ani Carlos.

Paliwanag pa ng PNP chief, ito ay upang maiwasan ang gulo o mainitang political rivalry sa mga nabanggit na lugar.

Samantala, noong Abril 7, nagpakalat na rin ang PNP ng RSOTGs sa mga lugar na ikinokonsiderang election areas of concerns gaya sa Samar at Masbate.

“Samar automatic meron na kaming kaagad nilagay because of history pero walang nangyayari doon. Masbate we already placed our RSOTGs,” aniya.

Nito lang Lunes nang isailalim din Comelec control ang mga munisipalidad ng Tubaran at Malabang sa Lanao del Sur dahil sa mga banta sa halalan sa Mayo.

Sa ngayon, nasa 114 na lugar ang ikinokonsiderang red areas ng Comelec batay na rin sa rekomendasyon ng PNP.

Ayon kay PNP Directorate for Operations director Police Major General Valeriano de Leon, mas marming patrol, checkpoints at intelligence efforts ang ilulunsad ng kapulisan sa mga lugar na nasa ilalim ng red category. RNT/ JCM