Mga pulis na suspek sa Jolo shooting pinakawalan ng PNP kahit pinigil ng DOJ

Mga pulis na suspek sa Jolo shooting pinakawalan ng PNP kahit pinigil ng DOJ

January 12, 2021 @ 6:17 PM 3 days ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Hiniling umano ng Department of Justice (DOJ) sa Philippine National Police (PNP) na panatilihin muna sa kostudiya ng pulisya ang siyam na akusado sa Jolo shooting habang hinihintay ang warrant of arrest, ayon kay Secretary Menardo Guevarra, Martes.

“In the meantime, the 9 police officers were released from custody despite requests of the DOJ with the PNP to hold them awhile until the arrest warrants were issued,” ani Guevarra sa isang mensahe.

“We hope that the 9 accused will voluntarily turn themselves in when such warrants are eventually released by the court. Otherwise, law enforcement agents will look for them and take them into custody,” dagdag nito.

Una nang sinabi ni PNP chief General Debold Sinas na pinakawalan ang mga akusado dahil wala pang warrant of arrest.

“Actually sila po ay nai-release na kasi wala pong warrant of arrest na binigay sa amin. We have coordinated with the DOJ (Department of Justice) at saka sa lahat, hanggang ngayon wala po,” saad ni Sinas sa isang press conference.

“So ayaw po namin ma-charge po kaming arbitrary detention at saka ‘yung pinirmahan ko pong dismissal is implementable na po ‘yun. So we turned them over to their relatives and lawyers,” dagdag ng PNP chief.

Ayon naman kay Guevarra, naghain ito ng kaso sa mga akusado nitong Enero 4 ngunit hindi pa rin nakapaglalabas ng arrest warrant dahil sa lockdown sa Sulu.

Matatandaang isinailalim sa lockdown ang nasabing probinsya upang maiwasan ang pagpasok ng bagong COVID-19 variant na nakarating na sa Sabah, Malaysia.

Epektibo ang lockdown hanggang Enero 17.

Samantala, nag-utos na si Guevarra ng hold departure order sa mga akusado upang mapigilan ang mga ito sa paglabas ng bansa.

Nadismaya naman si Armed Forces chief General Gilbert Gapay sa pagpapakawala ng PNP sa mga akusado.

Matatandaang pinagbabaril sina Major Marvin Indamog, Captain Irwin Managuelod, Sergeant Eric Velasco, at Corporal Abdal Asula habang nagsasagawa ng operasyon sa Barangay Walled City noong June 29 ng mga kapwa pulis.

Nahaharap ang siyam na akusado sa kasong murder at pagtatanim ng ebidensya. RNT/ELM


  •  
  •  
  •  

Loading...