Mga pulis ng Paco substation, pinalitan na

Mga pulis ng Paco substation, pinalitan na

August 22, 2022 @ 5:10 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Kinumpirma ng pamunuan ng Manila Police District (MPD) na pinalitan na o isinagawa ang turn-over ng mga personnel ng Paco Police Community Precinct kaninang umaga sa mismong MPD headquarters.

Ayon kay MPD- PIO Major Philipp Ines, sasailalim sa Focused Reformation/ Reorientation and Moral Enhancement for Police in Line with Internal Cleansing Efforts o FORM POLICE training sa Camp Bagong Diwa.

Ang nasabing hakbang ay kasunod ng pagkakasibak ng buong puwersa ng Paco PCP matapos maaresto ang tatlong tauhan nito dahil sa umano’y robbery-extortion.

Ayon kay Ines, nasa 17 personnel ang bumubuo sa Paco PCP kasama ang kanilang commander.

Maaalala na inaresto ng Integrity Monitoring and Enforcement Group o IMEG ang tatlong pulis matapos na tanggapin ang P2,000 mula sa isang driver kapalit ng pag-release ng kanyang impounded tricycle.

Sinabi ni Ines na ang mga personnel mula sa Mobile Force Batallion ang pansamantalang itinalaga sa Paco PCP.

Nagbabala naman si PNP chief P/Brig Gen. Rodolfo Azurin na kakaharapin din ng ibang units ang kaparehong kapalaran bilang bahagi ng “internal cleansing” ng PNP.

Aniya, kailangan ang lahat ng kapulisan sa mga unit ay dapat mapagbantay. Jocelyn Tabangcura-Domenden