Mga raliyista kontra-SONA at gobyernong Duterte, hindi na haharapin ni Pangulong Digong

Mga raliyista kontra-SONA at gobyernong Duterte, hindi na haharapin ni Pangulong Digong

July 22, 2018 @ 2:09 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Malabo nang harapin pa ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mga raliyista na sasabayan ang kanyang ikatlong State Of the Nation Address (SONA) bukas, Hulyo 23.

Ang katuwiran ni Special Assistant to the President (SAP) Bong Go ay hindi na gugustuhin pa ng Pangulo na humarap sa mga taong sinunog ang kanyang mukha.

“Ikaw, gusto mo pa bang humarap dun sa… kita nyo naman mga plano nila iyong… gusto mo pa bang humarap dun kung susunugin ‘yong mukha mo. Pero anyway, karapatan nila iyon,” ayon kay Go.

Magiging irrelevant aniya ang mga protesters ng Pangulo kung hindi nila gagawin ang kanilang ginagawang pagpapapansin.

“Karapatan nila na magsalita.. freedom of expression,” diing pahayag ng opisyal.

Kaya nga, welcome sa Malakanyang ang plano ng mga Duterte supporters at protesters na magsagawa ng rally sa araw mismo ng SONA ng Pangulo.

“Lumapit ang Pangulo sa kanila (noon). Pero alam mo, hinahanapan ninyo ng mali ang ating Pangulo. Sinabi ko nga, kung sa tingin ninyo, anti, dun kayo. Kung naniniwala kayo sa ating Pangulo, sa kanyang sinseridad, ipakita ninyo rin po ang inyong suporta,” ang pahayag ni Go.

“I am sure, ang laman po nito ay kung ano po ang magiging plano niya sa susunod na 365 days at ang kanyang political will na gawin ang kanyang mga ipinangako sa taumbayan,” ani Go.

Samantala, tiniyak naman ni Go na darating ang lahat ng mga anak ni Pangulong Duterte sa kanyang dating asawa na si Elizabeth Zimmerman na sina Davao City Mayor Sara Duterte, dating Davao City Vice-Mayor Paolo Duterte at Sebastian Z. Duterte sa SONA ng kanilang ama.

Habang dadalo rin ang anak ni Pangulong Duterte sa kanyang common-law-wife na si Honeylet Avanceña na si Veronica A. Duterte. (Kris Jose)