Mga replica ng Itim na Nazareno, binasbasan na!

Mga replica ng Itim na Nazareno, binasbasan na!

December 27, 2022 @ 6:29 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Kanya-kanya nang dala ang mga deboto ng mga replica ng imahe ng Poong Itim na Nazareno sa Plaza Miranda sa Quiapo para sa unang araw ng pagbabasbas nito.

Hindi lamang ang mga replica ang binabasbasan kundi maging ang mga Estandarte ng Black Nazarene.

Nagsimula ang pagbabasbas matapos ang banal na misa pasado alas-12 ng tanghali nitong Martes, Disyembre 27.

Ito na rin ang hudyat o simula ng mahabang aktibidad para sa selebrasyon ng Kapistahan ng Itim na Nazareno.

Magtatagal ng tatlong araw ang blessing o hanggang Disyembre 29 kung saan nakahilera ang mga replica sa kahabaan ng Carriedo.

Nauna nang sinabi ng pamunuan ng Quiapo Church na dalhin na lamang ang mga replica ng imahe sa pagbabasbas upang hindi na dalhin pa sa mismong araw ng Walk of Faith procession dahil ito ay ipinagbabawal na.

Dahil sa pandemya, ilan sa mga aktibidad ang binago tulad ng Traslacion na ginawa nang Walk of Faith.

Ang Pahalik ay ginawa nang pagpupugay at ang tradisyunal o taunang tawag na Traslacion ay tinawag nang Nazareno 2023.

Gaganapin ang Nazareno 2023 sa Enero 9 ng susunod na taon. Jocelyn Tabangcura-Domenden