MGA RUMARAGASANG BAHA DAPAT NANG PAGHANDAAN

MGA RUMARAGASANG BAHA DAPAT NANG PAGHANDAAN

July 13, 2022 @ 6:36 PM 4 weeks ago


SANAY na ang mga Pilipino sa mga katakot-takot na kalamidad, maging ang mga nakamamatay.

Kagaya na lamang sa mga kalamidad na dala ng tag-ulan gaya ng pagragasa ng mga baha makaraan ang mga siyam-siyam na ulan at bagyo.

Pero hindi dahil sa sanay na tayo lahat sa pakikipaglaban sa mga nakamamatay na pwersa ng kalikasan, hindi na tayo gagawa ng mga paraan na maghanda at lumaban.

Sapagkat bawat buhay ay mahalaga at hangga’t makakayanan natin, sagipin natin lahat ng nasa bingit ng kamatayan at ilagay sila sa mga ligtas na lugar.

SA PAKISTAN AT AFGHANISTAN

Nagaganap ngayon ang maramihang kamatayan sa mga bansang Pakistan at Afghanistan dahil sa monsoon rains kung tawagin.

Sa Balochistan at Sindh, Pakistan, 68 ang namatay sa lunod makaraan silang tangayin ng rumaragasang baha dahil sa ilang araw nang pag-ulan.

Kasama ang mga nasawi sa naiulat nang 147 patay sa baha nakalipas na halos isang buwan.

Karamihan umano sa mga biktima ang bata at babae na nakatira sa mga tahanang nakatayo malapit sa mga ilog at nawasak nang dumating ang mga baha.

Lubog din umano ang kapital ng bansa na Karachi at may namatay ring bata sa parteng  Khyber Pakhtunkhwa makaraang mawasak ang kanilang tahanan.

Sa Afghanistan, 24 naman ang namatay sa pagragasa ng tubig bahay dahil sa matindi at tuloy-tuloy na pag-ulan.

Magkarugtong ang mga bansang Pakistan at Afghanistan.

Kasabay naman ang mga pagbaha sa Pakistan at Afghanistan ang malawakan at malalimang pagbahay sa Australia ngayon at umaabot sa libo-libo ang pinagbabakwit, lalo na sa New South Wales, ngunit wala pang naiuulat na nasasawi.

SA PILIPINAS?

Nito lamang nakaraang Abril, anak ng tokwa, may 167 nasawi kay bagyong Agaton.

Kabilang sa mga nasawi ang 36 na nalunod at nalibing nang buhay sa landslide sa Baybay City sa Leyte, 3 sa Negros Oriental, 3 sa Mindanao at iba pa.

Iba pa ang mahigit 100 na missing habang may 1.9 milyon ang labis na naapektuhan.

May mga nauna nang libo-libong nasawi dahil sa mga bagyo, pag-ulan, pagbaha at landslide gaya ng nasa 5,000 namatay sa Ormoc City nang manalasa ang bagyong Thelma o Uring noong Nobyembre 1, 1991 at 1,050 sa bagyong Pablo sa Mindanao noong Disyembre 4, 2012.

Sanay na nga tayo subalit hindi natin maikakaila kung gaano kasakit ang pagmalupitan ng kalikasan.

MAGHANDA AT LUMABAN

Kung iisipin, wala tayong kalaban-laban sa ulan, bagyo, baha at landslide.

Subalit may mga magagawa tayo upang makaiwas sa matitinding bunga ng mga ito na kalupitan sa buhay at ari-arian.

Isa sa mga pinakamahalagang gawin ang laging makinig sa mga anunsyo at babala ng pamahalaan gamit ang iba’t ibang ahensya gaya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration at mga lokal at pambansang pamahalaan.

Dapat din tayong maging maalam sa kung saan ang mga dangerous o mapanganib na lugar gaya ng mga pagitan ng mga bundok o matataas na lugar na daluyan ng mga tubig at mga mababangin na lugar na pagmulan ng mga landslide o pagguho ng lupa.

Sa pinagsamang kaalaman at aksyon ng pamahalaan at mamamayan, tiyak na mababawasan nang husto ang mga kalamidad na nagaganap na mapaminsala sa buhay at ari-arian.