Mga sabungero naglaho na parang bula; sabungan sa Maynila grinanada

Mga sabungero naglaho na parang bula; sabungan sa Maynila grinanada

January 28, 2022 @ 11:24 AM 8 months ago


MANILA, Philippines – Tatalupan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang insidente ng pagkawala ng 10 kalalakihan matapos na makita sa magkakahiwalay na sabungan sa Laguna at Maynila nitong Enero 13.

“The CIDG is now connecting the dots. These incidents do have a lot in common. We will find out if there is a syndicate behind these cases,” paliwanag ni Philippine National Police (PNP) chief, Gen. Dionardo Carlos.

Ang unang insidente ng pagkawala ay kinasangkutan ng apat na magkakaibigang lalaki na huling nakita sa sabungan sa Sta. Cruz, Laguna.

Sa kaparehong araw din, anim na lalaki naman ang nawala matapos na magsabong sa Maynila.

Habang nauna na ring naiulat na 10 kalalakihan sa Bulacan na nagsabong rin ang iniulat na nawawala. Sinabi ng kanilang mga kaanak na higit walong buwan na silang pinaghahahanap.

Sa ngayon nakikipag-ugnayan at nakikiusap na ang CIDG sa pamunuan ng mga sabungan na makipagtulungan sa imbestigasyon para makilala ang posibleng mga handler o financier ng mga nawawalang kalalakihan.

Samantala, hinagisan naman ng granada ang isang sabungan sa Maynila ng dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo kagabi sa Sta. Ana, Maynila.

Sinabi ni Sta. Ana Police Station 6 Lt. Bernardo Diego, hindi sumabog ang isang MK2 grenade na hinagis sa parking entrance ng Manila Arena.

Agad namang nakatawag ang mga security guard ng naturang sabungan sa pulisya kaya rumesponde ang mga tauhan ng MPD-Explosive Ordnance Division (MPD-EOD)

Ang mismong taga -MPD-EOD na rin ang nag-detonate sa nasabing granada.

Hindi rin naapektuhan ang operasyon sa loob ng sabungan.

Nangyari ang insidente pasado alas-sais kagabi

Masusi naman ang imbestigasyon ng pulisya at tina-track na ang direksyon  ng mga posibleng dinaanan ng mga suspek sa kanilang pagtakas. RNT/Jocelyn Tabangcura-Domenden