Mga sakayan, naghahanda na sa dagsa ng pasahero sa Pasko

Mga sakayan, naghahanda na sa dagsa ng pasahero sa Pasko

November 27, 2022 @ 10:23 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Naghahanda na ang mga sakayan, paliparan at pantalan sa posibleng dagsa ng mga pasahero sa papalapit na holiday season.

Kasabay nito ay ang pagpapahigpit pa nila sa seguridad at paninigurado na ang kanilang mga pasilidad ay maayos.

Sa Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX) sa kasalukuyan ay nananatili pang magaan ang dami ng mga pasahero na dumarating.

“Nag-aaverage kami ngayon ng 130,000 per day… so pag palapit na ang pasko inaasahan na 160,000 to 170,000 ang pasahero,” sinabi ni PITX spokesperson Jason Salvador

Pinaghahanda na rin ng PITX ang gagawing 24-oras na operasyon ng EDSA bus carousel.

Inaasahan na posibleng mas madami ang babiyahe ngayong taon dahil sa mas maluwag na COVID-19 restrictions.

Samantala, ang mga paliparan at pantalan ay handa na rin sa dagsa ng mga pasahero.

“This year and early next year iyung peak season baka ma-prolong kasi sa Chinese New Year would be by end of January. One of the measures is we have to balance the different terminals,” pahayag ni MIAA Assistant Senior General Manager Bryan Co.

Samantala, nagpa-abiso naman ang Philippine Ports Authority na mauna nang mag-book ng ticket online ang mga pasaherong sasakay ng barko.

“Ang mga barko may sistema na sila na pwedeng bumili ng ticket online. Iwasan ang pagpila at magtake ng chance na bibili ng ticket. Baka sa pila maka-encounter sila ng mga scalper na nagbebenta ng mas mahal na ticket,” ani Atty. Jay Santiago, Philippine Ports Authority General Manager.

Hindi lamang mga sakayan kundi maging ang MMDA ay handa na rin sa matinding daloy ng trapiko na inaasahan kaugnay ng holiday rush.

“Ang anticipatory measures ng MMDA ay kinausap ang mga mall operators para sa adjustment ng shopping hours. Patuloy ang clearing ng mabuhay lanes at pinahinto muna ang mga paghuhukay sa kalsada maliban sa priority projects ng DPWH,” pagbabahagi ni MMDA spokesperson Atty. Melissa Carunungan. RNT/JGC