Mga sakit sa tag-init ibinabala ng DOH

Mga sakit sa tag-init ibinabala ng DOH

March 1, 2023 @ 8:23 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa posibleng sakit na maaring makuha sa panahon ng dry season.

Sa press briefing, sinabi ni Health Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire na ang karaniwang dalawang kondisyon sa panahon ng dry season ay heatstroke at dehydration.

Aniya, hinihintay nila ang anunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration sa opisyal na pagsisimula ng summer season o tag-init pero mas mainam aniyang bantayan ang mga sintomas.

Binanggit nito na ang heatstroke at dehydration ay mas madalas sa mga nakatatanda.

Paalala ni Vergeire, lagi magdala ng tubig kapag lumalabas. Magsuot ng sombrero para matakpan ang ulo at magsuot din ng mga preskong damit.

Ang pagbisita naman sa mga tourist destinations at resorts upang magpalamig sa panahon ng tag-init ay maari ring humantong sa mga impeksyon sa tainga, sakit sa mata gaya ng conjunctivitis, at pagtatae.

Paliwanag ni Vergeire, ang ang diarrhea ay maaring sanhi ng maruming inuming tubig at sirang pagkain.

Ang mga sakit sa balat ay laganap din dahil sa madalas na pagpapawis.

Payo pa ni Vergeire, palagiang maligo at kapag may nangangati sa ating balat ay magpatingin na sa health center para malunasan agad at hindi na makapanghawa ng iba. Jocelyn Tabangcura-Domenden