Mga Senador, hindi komportable sa pag-upo ni Arroyo sa liderato ng Kamara

Mga Senador, hindi komportable sa pag-upo ni Arroyo sa liderato ng Kamara

July 25, 2018 @ 1:08 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Inamin ni Senate President Vicente Sotto III na ang ilang senador ay hindi komportable sa pagkakatalaga kay Pampanga Representative Gloria Macapagal Arroyo bilang lider ng House of Representatives.

Gayunpaman, nilinaw naman ni Sotto na ito ay “on a personal level” lamang at sinabing mananatiling maayos ang trabaho ng Senado at Kamara sa ilalim ni Arroyo.

“We will do our job description no matter who is speaker, no matter who is congressman,” sabi ni Sotto sa isang panayam.

Sa isang “coup”, pormal na itinalaga bilang Speaker of the House si Arroyo noong Lunes (July 23) kasabay ng ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, kapalit ni Davao del Norte Representative Pantaleon Alvarez, kaalyado ni Duterte.

Nauna rito, nagpahayag din sina Senator Grace Poe, JV Ejercito at Panfilo Lacson ng kanilang pangamba sa pagkakatalaga kay Arroyo.

“Sa personality hindi sila kumportable,” sabi ni Sotto.

Noong 2001, naupo bilang Bise-Presidente si Arroyo kung saan pinalitan niya sa pagkapangulo si dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph Estrada, ama ni JV, dahil sa alegasyon tungkol sa korapsyon.

Noong eleksyon 2004, tinalo naman ni Arroyo si Fernando Poe Jr., ama ni Grace, at si Lacson sa pagkapangulo. Naging kontrobersiyal ang pagkapanalo ni Arroyo na naging dahilan para magprotesta si yumaong Fernando Poe Jr. na naniniwalang siya dapat ang nanalo sa eleksyon. 

“Hindi madaling maghilom ‘yung sugat na nangyari noong 2004,” sabi pa ni Sotto.

Gayunpaman, sinigundahan naman ito ni Sotto at sinabing hindi uunahin ng Senado ang “personality” sa pagsasakatuparan ng legislative function sa Kamara.

“Ang pinag-uusapan dito ang trabaho namin at trabaho na manggagaling sa House. Doon kami magko-concentrate, hindi sa personality,” sabi niya

Sa kaparehong panayam, sinabi rin ni Sotto na haharangan ng Senado ang anumang aksyong magbibigay daan para maitalaga si Arroyo bilang Prime Minister ng bansa kapag naaprubahan ang pagpapalit ng gobyerno sa pederalismo. (Remate News Team)