Mga sinehan balik-operasyon na sa Alert Level 3

Mga sinehan balik-operasyon na sa Alert Level 3

October 14, 2021 @ 6:35 AM 3 days ago

  •  
  •  
  •  

MANILA, Philippines – Muli nang mapapanod ng mga Pilipino ang mga paborito nilang artista sa pinilakang-tabing, maaamoy ang popcorn at makapage-enjoy na muli ang mga senior citizens.

Ito’y matapos payagan ang mga sinehan na muling magbukas simula Oktubre 16 makaraang aprubahan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ang panukalang ibaba sa Alert Level 3 ang National Capital Region (NCR).

Sa kabilang dako, inaasahan na may ilang bilang ng kolehiyo ang magbubukas para simulan ang limited face-to-face classes sa panaon ng alert level na ipinatupad hanggang Oktubre 31.

Sa ilalim ng Alert Level 3, pinayagan ng pamahaalaan ang 30% indoor venue capacity para sa fully vaccinated na tao at 50% outdoor venue capacity para naman sa limited in-person classes para sa higher education at technical-vocational education and training, at maging sa mga cinemas at movie houses.

Sa Laging Handa public briefing, araw ng Lunes, sinabi ni Cinema Exhibitors Association of the Philippines (CEAP) head Charmaine Bauzon na 7,000 manggagawa sa mga movie theaters ang nawalan ng hanapbuhay.

Sinasabing nalugi rin ang naturang industriya ng P21 bilyong kinita dapat nito simula nang magsara ang mga sinehan noong Marso 2020.

Bago pa ang nasabing anunsyo, umapela na si Bauzon sa gobyerno na payagan ang mga sinehan na mag-operate kahit man lamang sa limitadong kapasidad.

Matatandaang, pinayagan nang muling magbukas ang mga sinehan noong Marso 2021 subalit kaagad na pinatigil matapos na muling sumirit ang COVID-19 cases.

Samantala, sa kasalukuyan, ang pinapayagan naman na face-to-face tertiary level classes ay ang medicine at allied health sciences, engineering at technology programs, hospitality/hotel at restaurant management, tourism/travel Management, marine Engineering, at marine transportation.

Dahil sa kaganapang ito, kinukunsidera ng Commission on Higher Education (CHED) ang pagpapatupad sa limited in-person classes para sa lahat ng degree programs sa mga lugar na may mababang kaso ng COVID-19 at may mataas na vaccination rates.

Sa ngayon, ipinapakita sa pigura ng CHED na 73% ng mga personnel sa 1,488 colleges at universities sa buong bansa ay bakunado na laban sa COVID-19. Kris Jose


  •  
  •  
  •