Mga sundalong nasawi sa C-130 Sulu crash pararangalan ng Kongreso

Mga sundalong nasawi sa C-130 Sulu crash pararangalan ng Kongreso

July 14, 2021 @ 2:16 PM 1 year ago


Manila, Philippines – BILANG pagkilala sa kabayanihan ng mga sundalong nasawi sa pagbagsak ng C-130 sa Patikul, Sulu ay isang resolusyon ang inihain sa Malaking Kapulungan ng Kongreso.

Nakapaloob sa House Resolution 1957 na inihain ni Deputy Speaker at Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang paghikayat sa Kamara na kilalanin bilang “fallen heroes” ang 49 na sundalong pumanaw at 46 na sugatan sa nangyaring C-130 plane crash.

Aniya, marapat lamang na ituring at kilalanin bilang bayani ang mga sundalong sangkot sa insidente dahil ang mga ito ay nagtungo sa lalawigan na may misyong labanan ang terorismo sa lugar.

Ang naturang mga sundalong ito ay idineploy ng 11th Army Division sa Sulu para maging frontline sa pagtugis sa Abu Sayyaf kidnap-for-ransom group.

Sa isa pang hiwalay na resolusyong inihain (House Resolution 1958) ay hiniling ng mambabatas na pasalamatan ng Kamara ang mga residente sa Patikul, Sulu na karamihan ay mga Tausug na tumulong sa pag-rescue at pag-recover sa mga biktima ng plane crash.

Hindi umano nag-alinlangan ang Tausug villagers na tumulong sa mga sundalo kahit pa ang mga ito ay nasa gitna ng kanilang pananalangin. (Meliza Maluntag)