Mga supporters dapat sumuko na: Sereno, tapos na ang pagiging Chief Justice

Mga supporters dapat sumuko na: Sereno, tapos na ang pagiging Chief Justice

June 19, 2018 @ 3:35 PM 4 years ago


 

UPDATE: Kailangan nang sumuko ng mga taga-suporta ni dating Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno matapos tuluyang ibasura ng Korte Suprema ang inihaing Motion for Reconsideration ng kampo nito na may kinalaman sa quo warranto case.

Ito’y dahil tapos na ang pagiging Chief Justice ni Sereno.

“So like it or hate it, we have to succumb to the decision of the Supreme Court,” diing pahayag ni Presidential spokesperson Harry Roque sabay sabing “We wish her good luck in her everyday life as a private citizen.”

Sinabi ni Sec. Roque na nirerespeto ng Pangulo ang desisyon ng Korte Suprema.

Kaya nga, ipatutupad ng Chief Executive ang desisyon laban kay Sereno dahil yan aniya ang trabaho ng Presidente bilang  tagapagpatupad ng mga batas at mga desisyon ng Korte Suprema.

Ang hinihingi aniya ng Pangulo  ngayon ay magsama-sama muli ang sambayanang Pilipino.

“Tingin ko malinaw ang desisyon ng Korte Suprema. Alam ko po, alam ng Palasyo na maraming tututol o hindi sumasang-ayon sa desisyon pero sa ating sistema ng demokrasya ang Korte Suprema ang pinal na arbiter sa lahat ng kontrobersiyang legal,” aniya pa rin.

Sa kabilang dako, wala pang impormasyon at ideya  si Sec. Roque kung sino ang ipapalit ng Pangulo kay CJ Sereno.

Magkakaroon naman aniya ng proseso ang Judicial and Bar Council (JBC) sa aspetong ito.

Kailangan aniya na pumili ng Pangulo mula sa shortlist na isusumite sa kanya ng JBC.

“So wala pa po tayong ideya kung sino ang mapapasama sa shortlist na isusumite sa Presidente from which list he would choose the next chief justice of the Republic,” ayon kay Sec. Roque. (Kris Jose)