Mga survey ‘di prediksyon ng resulta ng Halalan 2022 – Pulse Asia

Mga survey ‘di prediksyon ng resulta ng Halalan 2022 – Pulse Asia

February 19, 2022 @ 11:59 AM 4 months ago


MANINLA, Philippines – Ipinunto ni Pulse Asia president Ronald Holmes na ang mga pre-election survey ay hindi prediksyon ng kalalabasan ng halalan kundi nagbibigay lamang ng “snapshots” ng voting preference sa panahong isinagawa ang survey.

Reaksyon ito ni Holmes kasunod ng pagkwestiyon ni dating Senator Antonio Trillanes IV sa resulta ng pinakahuling survey ng Pulse Asia.

“Pre-election surveys do not really predict election outcomes. These surveys are snapshots of voting disposition at the time when they were conducted,” saad ni Holmes.

Sa “Pulso ng Bayan” na isinagawa mula Enero 19 hanggang 24, lumabas na si dating Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang nais iboto sa pagka-pangulo sa 2022 ng 60 porsiyento ng 2,400 respondents sa buong bansa na lumahok sa survey.

Kasunod ni Marcos sina Vice President Leni Robredo (16 percent), Senator Manny Pacquiao (8 percent), at Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso (8 percent).

Maliban dito, kinuwestyon din ni Trillanes ang kabiguan ng Pulse Asia na hulaan ang mga nanalong kandidato sa halalan noong 2004, 2007, 2010, at 2013.

“For the 2004, 2007, 2010, and 2013 elections, however, the surveys that we conducted closest to election day or on election day mirrored the actual election results. For example, the 2007 exit poll showed Sen. Trillanes in the winning circle,” sagot ni Holmes.

Sa isang interview sa ANC noong Pebrero 14, ipinunto rin ni Holmes na kung ang eleksyon ay naganap sa panahong isinagawa rin ang survey, mananalo talaga si Marcos.

“But if you talk about whether this would be retained and whether this is predictive of what will happen in May 9, my answer is a definite no,” dagdag niya.

Samantala, pinuna rin ni Trillanes ang aniya’y “flawed methodology” ng Pulse Asia kung saan karamihan ng mga respondents sa Mindanao ay kinakatawan ng mga taga-Davao City na balwarte ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Giit ni Holmes, “patently false” ang pahayag ng senador.

Paliwanag niya, gumagamit ang Pulse Asia ng multi-stage probability sampling para matiyak na ang kanilang survey ay kakatawanin ng buong bansa.

“This also ensures the heterogeneity of the sample. The sampling method conforms to global scientific standards for the conduct of national surveys,” dagdag pa niya.

Nilinaw din ni Holmes na ibinalik nila ang face-to-face interviews ng mga respondents simula September 2020 at tiniyak na nasusunod ang public health protocols.

Iginiit din ni Trillanes na ang mga numero sa survey ukol sa persepsyon ng mga tao kina Marcos at Robredo ay sumasalungat sa kung ano talaga ang nararamdaman sa ground.

“The survey field work period is indicated in our media release. The survey results can be interpreted based on the events that transpired before the survey field work. These events may have influence the public’s voting disposition captured by the survey,” katwiran ni Holmes. RNT