Mga suspek sa Degamo slay ipalalagay sa lookout bulletin

Mga suspek sa Degamo slay ipalalagay sa lookout bulletin

March 19, 2023 @ 8:26 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Ilalagay ng Department of Justice (DOJ) sa lookout bulletin ang mga indibidwal na iniuugnay sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Ani Justice Undersecretary Mico Clavano nitong Sabado, Marso 18, ito umano ay bahagi ng precautions habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa nangyaring pagpatay sa gobernador noong Marso 4 sa bayan ng Pamplona.

“We have taken precautions and will take further precautions because the cases are increasing,” sinabi ni Clavano kasabay ng Saturday News Forum sa Quezon City.

Aniya, gumagawa ng konkretong hakbang ang ahensya para maselyuhan ang kaso laban sa mga susppek, sabay-sabing nakikipag-ugnayan na sila ngayon sa International Police (Interpol) para sa posibilidad ng paglalagay sa mga suspek sa blue notice ng Interpol.

“So all those that are in relation to the Degamo slay. We have taken concrete steps to issue an international lookout bulletin, we have discussed putting people on the Blue Notice,” dagdag pa ni Clavano.

Mas magiging madali aniya ito sa DOJ na mamonitor ang kinaroroonan ng mga suspek kung sila ay nakalagay sa lookout bulletin o Blue Notice.

Ang Blue Notice ng Interpol ay karaniwang inilalabas upang makakolekta ng karagdagang impormasyon tungkol sa isang suspected individual na nakagawa ng krimen, o taong may hawak na impormasyon tungkol sa isang krimen.

“As of right now, yes, they can go out (of the country) because we don’t have a compulsory process where we can force them to stay here in the country,” paliwanag niya.

Ani Clavano, mayroong nasa 10 katao ang kasalukuyang iniimbestigahan, na tumutukoy sa mga gunmen o direktang sangkot sa pamamaril, mga drayber, lookout, handlers at middlemen hanggang sa mismong mastermind. RNT/JGC