Mga suspek sa pag-ambush sa Maguindanao mayor sa Pasay, tinutugis na

Mga suspek sa pag-ambush sa Maguindanao mayor sa Pasay, tinutugis na

February 26, 2023 @ 2:18 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Bumuo ng isang special team ang Pasay City Police na tutugis sa dalawang motorcycle-riding in tandem na bumaril kay Mayor Ohto Montawal ng Datu Montawal, Maguindanao del Sur nitong nakaraang Miyerkules ng gabi, Pebrero 22.

Ito ay napag-alaman sa tagapagsalita ng Pasay City police na si P/Capt. Ryan Marcelo na nagsabing agad na ipinag-utos ni Pasay City police chief P/Col. Froilan Uy ang pagbubuo ng special investigation team para sa agarang pagdakip sa mga suspek.

Kasabay nito ay nag-utos din si Uy ng pagtatalaga ng mga pulis sa isang ospital sa Muntinlupa kung saan naka-confine si Montawal na sa kasalukuyan ay ligtas na sa kapahamakan.

Sinabi ni Uy na nakakuha ang special investigation team ng closed-circuit television (CCTV) footage na nagpapakita ng pagsunod ng motorsiklo na lulan ang mga suspek sa sasakyan ng biktimang alkalde sa Service Road ng Roxas Boulevard, Pasay City.

Ayon kay Uy, sa pagre-review sa nakalap na CCTV footage ay binuntutan ng mga suspek ang biktima mula Maynila hanggang sa makarating ito sa service road ng Roxas Boulevard sa Barangay 4, Pasay City, kung saan nito tinambangan ang sasakyan ng alkalde dakong alas-9:25 ng gabi.

Dagdag pa niya na nakatakda na ring kunan ng salaysay si Montawal ng mga imbestigador upang malaman kung may natanggap ba itong death threats bago maganap ang pag-ambush sa kanya. James I. Catapusan