Mga suspek sa pananambang kay Gov. Adiong kinasuhan na

Mga suspek sa pananambang kay Gov. Adiong kinasuhan na

March 6, 2023 @ 2:18 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Inihain na ang reklamo laban sa ilang suspek na sangkot sa pananambang sa convoy ni Lanao del Sur Governor Mamintal Alonto Adiong Jr. kamakailan, sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Rodolfo Azurin Jr. nitong Lunes, Marso 6.

“On March 2, 2023, SITG ‘Gov Adiong’ filed criminal complaints for four counts of murder, three counts frustrated murder, and multiple attempted murder against several suspects before the Office of the Provincial Prosecutor, Hon. Samsodin Bedar in Marawi City,” ani Azurin sa isang press briefing.

Aniya, naghihintay na lamang ang mga awtoridad sa ilalabas na warrants of arrest laban sa mga suspek upang matugis nila ang mga ito at maipakulong.

Dagdag pa niya, ikinokonsidera na ngayon na “cleared” ang naturang kaso.

Samantala, ibinahagi rin ni Azurin na ligtas na sa peligro si Adiong Jr. mula sa mga tinamong tama ng bala ng baril nito sa kasagsagan ng pag-atake.

Matatandaan na noong Pebrero 17 ay tinambangan ng mga hindi tukoy na gunmen ang convoy ni Adiong sa Kalilangan, Bukidnon kung saan apat sa mga kasamahan nito ang nasawi.

Kinilala ang mga nasawi na sina Police Staff Sergeant Mohammad Jurai Mipanga Adiong, 40; Police Corporal Johanie Lawi Sumandar, 39; Police Corporal Jalil Ampuan Cosain, 40, at driver na kinilala lamang sa pangalan na Kobi.

Maliban kay Adiong, sugatan naman sa pananambang ang staff nito na si Ali Macapado Tabao. RNT/JGC